PVL: CREAMLINE VS CHOCO MUCHO SA KRUSYAL NA LARO

Standings W L
PLDT 3 0
Cignal 3 0
Creamline 2 0
ZUS Coffee 2 1
PetroGazz 2 1
Chery Tiggo 2 1
Akari 2 2
Choco Mucho 2 2
Farm Fresh 1 2
Capital1 1 3
Nxled 0 4
Galeries Tower 0 4

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – PLDT vs Chery Tiggo
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Creamline

ASAHAN ang isa pang full-house crowd sa paghaharap ng sister teams Creamline at Choco Mucho, na kapwa naghahangad ng krusyal na panalo, sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Martes.

Nakatakda ang pinakaaabangang salpukan sa alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum, kung saan ang kanilang huling title showdown ay dinagsa ng 23,000 fans noong nakaraang Mayo. Humabol ang Cool Smashers sa naturang laro upang kunin ang kanilang ikatlong sunod na AFC title at ika-8 sa kabuuan sa isang kapana-panabik na five-setter.

Bago ang marquee matchup, sasagupain ng PLDT ang Chery Tiggo sa alas-4 ng hapon.

Ang High Speed Hitters ay may three-game winning streak, subalit determinado ang Crossovers, galing sa dominant win kontra Nxled, na putulin ang kanilang momentum.

Sa mga player na tulad nina Savi Davison, Dell Palomata at Mika Reyes na magpapalakas sa PLDT, at sasandal ang Chery Tiggo sa stalwarts gaya nina Aby Maraño, Ara Galang at Cess Robles, asahan ang umaatikabong bakbakan.

Gayunman, nakatutok ang lahat sa sibling rivalry sa pagitan ng Creamline at Choco Mucho.

Ang Cool Smashers ay may mainit na simula, winalis ang kanilang unang dalawang laro, habang ang Flying Titans ay may mixed results, na-split ang kanilang unang apat na laro.

Sa kabila ng kanilang magkaibang simula, ang mahalaga ay kung sino ang mangingibabaw ngayong araw.

Sisikapin ng Creamline, sa pangunguna nina returning Tots Carlos, Jema Galanza at Alyssa Valdez, na maipagpatuloy ang kanilang unbeaten run.

Sa pagbabalik sa porma ni dating MVP Carlos at sa malalim na bench tampok ang mga player na tulad nina Pau Soriano at Rose Vargas, ang Cool Smashers ay nananatiling ‘team to beat’ sa six-month long tournament na ito kasunod ng record Grand Slam feat.

Sasandal naman ang Choco Mucho kina Sisi Rondina, Kat Tolentino at Isa Molde upang makabawi mula sa pagkatalo sa Cignal.