PVL CROWN PA MORE ASAM NG CREAMLINE

IPINAGDIWANG ng Creamline ang pagwawagi ng isa pang kampeonato sa PVL All-Filipino Conference. Kuha ni RUDY ESPERAS

SA PAGWAWAGI ng record eighth Premier Volleyball League crown ay sinementuhan ng Creamline ang kalagayan nito bilang pinakamatagumpay na koponan sa liga at hindi pa ito natatapos.

Makaraang kunin ang isa pang championship para sa Cool Smashers,  nais ni Jema Galanza na madagdagan pa ito.

Sa gitna ng selebrasyon ng kanilang epic 20-25, 25-20, 22-25, 25-22, 15-11 victory laban sa Choco Mucho noong Linggo ng gabi, kumpiyansang idineklara ni

Galanza sa Smart Araneta Coliseum na: “Dadagdagan pa namin – 9, 10 or 11? Forever.”

Ang kanyang deklarasyon ay nagpapahiwatig lamang na ang dominasyon ng Cool Smashers sa PVL ay malayo pang matapos.

 Ang kahusayang ipinakita ni Galanza sa buong serye ay naghatid sa kanyang koponan sa tagumpay sa All-Filipino Conference Finals.

Nang humina ang laro ni Tots Carlos at nabawasan ang court time  ni Alyssa Valdez, si Galanza ang walang pagod na humamon sa depensa ng Choco Mucho sa sunod-sunod niyang pagpuntos.

Sa Game 1 ay nagtala si Galanza ng 20 points at  13 receptions upang pangunahan ang Creamline sa series-opening victory.

Isa pang  20-point outing sa clincher ang testamento sa kanyang kahusayan, na sinuportahan nina Bernadette Pons, Pangs Panaga at Carlos.

Hindi lamang ang  offensive prowess ni Galanza ang kuminang, impresibo rin ang kanyang lakas sa depensa.

Nakipagtambalan kay Pons, nagpamalas siya ng versatility at tapang sa depensa ng  Creamline, na may 16 excellent receptions.

Matapos ang title-clinching two-handed putaway ni Bea de Leon na sinundan ng selebrasyon, inalala ni  Galanza ang pinagdaanan ng koponan.

“It’s truly an overwhelming feeling because we never expected to make it to the finals…but here we are, champions once again,” sabi ni  Galanza, itinanghal na Finals MVP.

Hindi naging madali ang  conference para sa Cool Smashers.

Tabla sa PLDT sa fourth place sa 8-3 sa preliminaries, kinailangan ng Creamline na manalo sa points tiebreaker upang kunin ang isang puwesto sa semifinals.

Matapos yumuko sa Flying Titans sa semis opener, kung saan naglaro si Galanza at ang kanyang teammates na wala si  Carlos na nag-try out sa KOVO pro league sa South Korea, nalusutan ng Cool Smashers ang dalawang must-win matches upang umusad sa Finals.

Nasa likod ng kanilang tagumpay si coach Sherwin Meneses.

Sa pivotal Game 2, lumabas ang kanyang coaching prowess, lalo na nang maharap ang kanyang koponan sa  1-2 set deficit.

Humugot sa lalim ng kanyang bench at tiwala sa kanyang players, nagtagumpay si Meneses sa pagkumpleto ng comeback upang igiya ang Cool Smashers sa pagwalis sa Finals.

Subalit sa gitna ng mga parangal, kung saan ang winningest PVL coach ay mayroon nang limang titulo,  si Meneses ay nanatiling humble, at sinabing ang kanilang tagumpay ay dahil sa collective effort ng bawat miyembro ng koponan.

Para sa kanya, ito ay teamwork, pagkakaisa at walang humpay na commitment sa excellence.