PVL CROWN TARGET NG PETROGAZZ; CREAMLINE RERESBAK

Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs PLDT (3rd Place)
6:30 p.m. – PetroGazz vs Creamline (Finals)

MAY maikling pahinga sa pagitan ng Games 1 at 2, ang PetroGazz at Creamline ay naghahanap ng paraan para manatiling matalas sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference Finals.

Habang ang Angels ay magtatangka sa korona, sisikapin naman ng Cool Smashers na maipuwersa ang deciding match.

“Prepare the mindset, prepare the body, and everything follows,” wika ni PetroGazz coach Oliver Almadro kasunod ng 25-22, 24-26, 25-23, 26-24 panalo kontra Creamline sa opener ng kanilang best-of-three series sa harap ng 11,532 fans sa Mall of Asia Arena noong Linggo.

Ganito rin ang nasa isip ni Cool Smashers mentor Sherwin Meneses papasok sa must-win match.

“One day lang ang pahinga, kaya mindset sa next game,” sabi ni Meneses.

“Mahirap mag-adjust (sa schedule ng training), pero dapat malakas ang mindset (for Game 2),” dagdag pa niya. “Kailangan namin na mas gumalaw nang tama. Gustong manalo ng PetroGazz, grabe ‘yung laro nila ngayon.”

Sinamantala ng Angels ang 22 errors ng Cool Smashers, kabilang ang net violation na nagbigay sa series opener ng anti-climactic ending.

Gayunman ay minaliit ni Meneses ang kanilang huling error, isang crucial point na napagwagian ng Petro Gazz via challenge, at sinabing: “Breaks of the game, pero hindi kami natalo dahil doon, marami kaming lapses, marami kaming errors.”

“Hindi base doon ‘yung pagkatalo namin. Breaks talaga ‘yun kasi napunta sa kanila, kasi net touch, so kasalanan namin. Siguro ‘yung from 1 to 24, doon kami nagkulang,” dagdag ni Meneses.

Ang two-time PVL champion coach, gayunman, ay nananatiling kumpiyansa sa tsansa ng Creamline na makatabla sa PetroGazz at manatili sa kontensiyon para sa back-to-back championships sa centerpiece tournament.

Subalit determinado ang Angels na tapusin na ang serye at kunin ang kanilang unang All-Filipino title matapos manalo ng dalawang Reinforced Conference crowns.

“Follow the game plan, show the character, teamwork and right attitude,” sabi ni Almadro hinggil sa kanilang battle plan.

“But the most important thing is we have to be prepared. Creamline is a matured, intact team. They’re strong team, they are the Goliaths of this tournament. Kami naman, we just ask the Lord, ‘can we be the David’?”

Si Almadro, naging PetroGazz coach noong January matapos ang tatlong taong pagmamando sa Choco Mucho, ay isang panalo na lamang ang kailangan para kunin ang kanyang kauna-unahang pro league championship.

Samantala, target din ng F2 Logistics na walisin ang kanilang sariling best-of-three series sa PLDT at kunin ang kauna-unahang PVL podium finish sa alas-4 ng hapon matapos ang 20-25, 25-22, 25-18, 25-17 panalo sa Game 1.