PVL: CSB LUMAPIT SA SEMIS

CSB

WINALIS ng College of Saint Benilde ang kulang sa taong Arellano University, 25-19, 25-15, 25-19, upang dumikit sa semifinals sa Premier Volleyball League Season 3 Collegiate Conference Group B kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Sinamantala ng Lady Blazers ang paglalaro ng reigning NCAA three-peat champions Lady Chiefs na wala sina top scorers Regine Arocha at Necole Ebuen upang kunin ang ikalawang sunod na panalo para sa 3-1 win-loss record sa likod ng wala pang talong University of Santo Tomas na may 3-0 kartada.

Nanguna si Klarisa Abriam para sa Lady Blazers na  may 17 points.

Nalasap ng Lady Chiefs ang ikalawang sunod na kabiguan at bu­magsak sa 2-2 marka. Hindi pinaglaro ni head coach Obet Javier si injured Arocha, na nagpapagaling pa mula sa plantar fasciitis operation, habang binigyan si Ebuen ng panahon na magpahinga.

Tanging si Charmina Dino ang Arellano player na nagtala ng double fi­gures na may 12 points habang nagdagdag si Nicole Sasuman ng 9.

Sa Group A,  binitbit nina Nieza Viray at Cesca Racraquin ang San Beda sa 25-18, 25-22, 25-17 panalo kontra University of Perpetual Help upang manatili sa kontensiyon para sa isang puwesto sa ‘Final Four’.

Sa iba pang laro ay sinamantala rin ng also-ran San Sebastian College ang pagkawala ni head coach Roger Gorayeb upang sibakin ang Letran sa Group A sa pamamagitan ng 20-25, 25-22, 27-25, 26-24 panalo.