PVL: FAJARDO SA PLDT; PABLO BALIK-PETRO GAZZ

KUMUHA ang PLDT ng isa pang mahusay na setter para makatuwang ni Rhea Dimaculangan sa darating na 2024 Premier Volleyball League season.

Ayon sa High Speed Hitters, pumirma na si Kim Fajardo sa koponan.

Matapos ang pitong taon sa F2 Logistics, sisimulan ng La Salle great ang bagong kabanata sa kanyang career kasunod ng pagbuwag sa Cargo Movers.

“I want to be challenged in the new system. I want to keep learning,” wika ni Fajardo. Ang mga nakalipas na taon ay naging mapanghamon kay Fajardo, na nagtamo ng iba’t ibang injuries.

Sa PLDT, umaasa siya hindi lamang na maging malusog kundi ang pangunahan ang franchise sa kauna-unahang professional title nito.

“I want to bring back my previous condition. It’s very achievable as long as I have the proper mindset and the guidance of my new coaches and teammates. It’s just exciting to think that everything is new,” dagdag pa niya.

Samantala, matapos ang one-year stint sa F2 Logistics, si Myla Pablo ay magbabalik sa kanyang volleyball roots sa Petro Gazz.

Ang pagbabalik ni Pablo sa Angels ay kasunod ng disbandment ng F2 Logistics sa pagtatapos ng 2023 PVL season.

Mainit na tinanggap ng Petro Gazz ang kanilang ‘prodigal daughter,’ binigyang-diin ang sentimental value ng pagbabalik ni Pablo sa kanyang volleyball home.

“Home is where the heart is. Bagyong Pablo is returning to the place where she experienced some of her most memorable moments as a volleyball player!” pahayag ng Angels.