IPINAGPALIBAN ang Premier Volleyball League Reinforced Conference finals sa pagitan ng unbeaten Akari at ng multi-titled Creamline dahil sa bagyong Enteng.
Ayon sa organizing Sports Vision, ang laro, na orihinal na nakatakda kahapon (Set. 2) sa Smart Araneta Coliseum, ay iniurong sa Set. 4 sa Philsports Arena sa Pasig City.
“Due to severe weather conditions caused by Tropical Storm Enteng, the one-game finale between Akari and Creamline has been moved to Sept. 4. Our top priority is the safety of our players and fans,” pahayag ng Sports Vision.
Ang bagyong Enteng ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila, kabilang ang mga kalsada patungong Cubao venue.
Samantala, pinagtibay ng PVL ang 25-22, 18-25, 22-25, 26-24, 17-15 semifinal win ng Akari kontra PLDT.
Ang liga ay nanindigan sa desisyon ni first referee Patrick Castillo hinggil sa non-call sa net touch sa fifth set na ipinoprotesta ng High Speed Hitters.
Tinukoy ng PVL ang FIVB Rule 11.3.2, na nagpapahintulot sa mga player na dumikit sa net basta hindi mapanghihimasukan ang play.
Kinuha ng Akari ang panalo, at lumapit ang Chargers sa pagkopo ng titulo via sweep.
Tinanggap ng PLDT management ang ruling ng PVL Linggo ng gabi.
Sa isang statement, nagpasalamat ang koponan sa walang sawang pagsuporta ng kanilang fans at iginiit ang kanilang commitment sa pag-uphold sa integridad ng sport.