PVL: FINALS TARGET NG CREAMLINE, CIGNAL

Nagdiwang si Jovelyn Gonzaga matapos ang five-set victory ng ­Cignal kontra Choco Mucho sa Game 1. PVL PHOTO

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4 p.m. – Choco Mucho vs Cignal

6 p.m. – Creamline vs Chery Tiggo

MAAARING tangan ng Cignal ang bentahe sa kanilang Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference semifinals series ng Choco Mucho makaraang makumpleto ang stunning reversal sa Game 1 noong Huwebes ng gabi.

Subalit batid ni Shaq delos Santos na kailangan ng HD Spikers ng mas magandang performance sa Game 2, kung saan inaasahang reresbak ang Flying Titans sa 4 p.m. match.

Natalo sa unang dalawang sets, nagawang maitakas ng Cignal ang  18-25, 23-25, 25-14, 25-19, 15-10 panalo kontra  Choco Mucho.

“Sobrang proud ako sa team especially sa mga players kasi grabe ‘yung effort. Ginusto nila kaya ang resulta, maganda,” sabi ni Delos Santos. “Pero hindi kami puwedeng maging complacent pero puwede namin enjoyin ‘yung panalo namin.”

Pinangunahan ni team captain Ces Molina ang paghahabol ng HD Spikers sa pagkamada ng 23 points, kabilang ang 2 blocks at 16 receptions.

Muling kuminang si Vanie Gandler, isang rebelasyon para sa  Cignal ngayong conference, kung saan tumapos ang dating Ateneo standout na may 17 points, kabilang ang 2 service aces, habang nagdagdag si Jovelyn Gonzaga ng 16 points.

Gayunman ay kailangan ng HD Spikers na paghusayin ang kanilang blocking sa Game 2, kung saan hindi naging maganda ang simula ni Riri Menenes bago nag-init sa tatlong sets na kanilang napanalunan.

Sa kabila ng pagkatalo na pumutol sa kanilang 10-match winning streak, ang Flying Titans ay may kakayahang rumesbak.

Si Sisi Rondina, nagtala ng 19 points at 15 receptions sa Game 1, ang magiging pangunahing sandata ng Choco Mucho sa  crunchtime.

Umaasa ang Flying Titans na masustina ang kanilang solid net defense kung saan umiskor ang Choco Mucho ng 11 points sa blocks, mas mataas ng lima sa Cignal.

Sa isa pang  Final Four series, hanggang hindi gumagawa ang Chery Tiggo ng solid defensive game para kahit paano ay mapabagal ang dominant Creamline side, ang Cool Smashers ay madaling makakapasok sa PVL championship.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi.

Si veteran skipper Alyssa Valdez ang nagsilbing catalyst sa back-and-forth second set duel sa Game 1, sa pag-iskor ng tatlong sunod na puntos para maitakas ng  Creamline ang 25-18, 27-25, 25-22 victory, ang ika-12 sunod magmula pa sa 11 matches na winalis nito sa prelims ng season-ending conference.

Sa mga oras na ito ay napag-aralan na ni coach Sherwin Meneses ang lapses ng Cool Smashers sa opener.

Ang Game 3, kung kinakailangan, ay gaganapin sa Martes sa Philsports Arena.