PVL: FINALS TARGET NG KURASHIKI

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs Kurashiki
6:30 p.m. – Kinh Bac Bac Ninh vs Cignal

HAHARAPIN ng Kurashiki, may dalawang tsansa na umabante sa finals, ang PLDT sa Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals ngayon sa Philsports Arena.

Umaasa ang unbeaten Ablaze na maselyuhan ang championship berth sa 4 p.m. duel sa High Speed Hitters.

Nakuha na ng Creamline, may 4-0 semifinals record, ang isang puwesto sa one-game final sa Linggo.

Impresibo ang Kurashiki kapwa sa opensa at depensa, kung saan ang Japanese third division side ay hindi pa nakakatikim ng talo sa tatlong laro.

May 2-2 record, gagawin ng PLDT ang lahat para maisaayos ang all-Filipino finale kung saan papasok ito sa laro na puno ng kumpiyansa kasunod ng back-to-back straight-set victories.

Subalit kung malulusutan nila ang Ablaze, hanggang maaari ay sa convincing fashion, kailangan pa ring umasa ng High Speed Hitters na matalo ang Japanese club sa kanilang huling semis match sa Cool Smashers ng tatlo hanggang apat na sets sa pagtatapos ng semis phase bukas para makausad.

Sa unang tiebreaker, ang Kurashiki ay kasalukuyang may 9 points habang ang PLDT ay may 6.

Nababahala si Ablaze coach Hideo Suzuki sa taas ng High Speed Hitters, lalo na kina middle blockers Dell Palomata at Mika Reyes.

“Like F2 Logistics, PLDT is a tall team. But we will do our best, particularly in receive,” sabi ni Suzuki, makaraang igiya ang koponan sa 25-20, 25-22, 25-20 panalo kontra Cargo Movers noong nakaraang Martes, sa pamamagitan ng isang interpreter.

Napanood kung paano maglaro ang High Speed Hitters, batid ni Akane Hiraoka, kinuha ang top honors ng lari na may 9 points, kung ano ang maipakikita ng koponan.

“PLDT has tall players, we have to focus on defense and receive and we shouldn’t be discouraged,” aniya.

Muling pinangunahan ni Tamaru Asaka ang Kurashiki sa scoring, habang si Ohshima Kyoka ay nakapokus sa pag-distribute ng plays para sa koponan.

Nakopo ng Creamline ang ikalawang sunod na championship appearance sa 25-23, 25-23, 25-17 panalo laban sa Vietnam’s Kinh Bac-Back Ninh.

Samantala, magsasagupa ang Cignal, may 1-3 kartada, at Kinh Bac-Bac Ninh, walang panalo sa tatlong laro, sa alas-6:30 ng gabi, kung saan kapwa asam ng dalawang koponan na manatili sa kontensiyon para sa bronze.