PVL: FOXIES WINALIS ANG SOLAR SPIKERS

TINANGKANG umiskor ni Syd Niegos ng Capital1 laban kina Apryl Tagsip at Trisha Tubu ng Farm Fresh sa kanilang laro sa PVL All-Filipino Conference ­kahapon. PVL PHOTO

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)

2 p.m. – Cignal vs Galeries Tower

4 p.m. – PetroGazz vs PLDT

6 p.m. – Chery Tiggo vs Choco Mucho

MAGAAN na dinispatsa ng vastly-improved Farm Fresh ang debutants Capital1, 25-16, 25-17, 25-16, upang makatabla ang PetroGazz sa fourth spot sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference preliminaries kahapon sa Philsports Arena.

Nagpakita ng dominasyon sa attacks at blocking habang sunod-sunod ang pagsasagawa ng hustle plays, dinaig ng Foxies ang struggling Solar Spikers, na naharap sa patuloy na mga hamon sa execution sa ilalim ng patnubay ni multi-titled coach Roger Gorayeb.

“May mga konting lapses pa rin, pero alam namin na mapa-polish pa talaga,” sabi ni Trisha Tubu, na nanguna sa Farm Fresh na may 15 points, kabilang ang 2 blocks.

“Marami rin kaming natutunan sa first game na alam namin na makakatulong sa team sa buong season,” dagdag pa niya.

Sa kabila ng pagiging baguhan, mas maganda ang ipinakita ng Capital1 kumpara sa kanilang  debut three-set setback sa Chery Tiggo noong nakaraang Feb. 20.

Napanatili ng Solar Spikers na dikit ang laban sa second at third sets, subalit ginamit ng Foxies ang kanilang  superior power at experience.

Gumamit ang Farm Fresh ng balanced attack at nagdagdag si Chinnie Arroyo ng 11 points sa 10-of-16 spikes. Umiskor si Kate Santiago, na pumasok bilang second set starter, ng 6  points, habang gumawa sina Alyssa Bertolano at Pia Ildefonso ng tig-5 points.

Nakakuha ang Foxies, determinado na mahigitan ang kanilang  10th place finish sa nakaraang All-Filipino Conference, ng impressive setting mula kay Louie Romero, na gumawa ng 12 excellent sets.

“In our first game, we had a lot of errors. We just applied corrections to address the deficiencies in this game,” sabi ni Arroyo, dating F2 Logistics.

Nanguna si Syd Niegos para sa Capital1 na may 9 points, kabilang ang 2 blocks habang nagdagdag sina

Heather Guino-o, Ja Lana, Kath Villegas, Des Clemente at  Shirley Salamagos ng tig-3 points.

Nahulog ang Solar Spikers sa 0-2.