INANUNSIYO ng Petro Gazz ang kanilang bagong acquisitions sa gitna ng patuloy na pagpapalakas sa kanilang lineup para sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Kinuha ng Angels sina dating University of Santo Tomas Tigress KC Galdones at dating BaliPure blocker Norielle Ipac.
“Unlocking a new chapter of volleyball excellence. Embrace the excitement as we welcome our newest player to the squad, KC Galdones!” pahayag ng Petro Gazz sa isang social media post.
“From the sidelines to the spotlight, we proudly welcome our newest Angel, Julia Ipac. Get ready for greatness!” ayon pa sa koponan.
Sina Ipac at Galdones ay makikipagtambalan sa front line ng Petro Gazz na kinabibilangan nina Best Middle Blockers Remy Palma at MJ Phillips.
Ang Angels ay kinapos sa titulo makaraang yumuko sa Creamline sa championship round sa All-Filipino Conference.
Samantala, makaraang gumugol ng apat na taon sa sand courts, muling ipakikilala ni Bernadeth Pons ang kanyang sarili sa indoors sa paglalaro ng beach volleyball star sa PVL.
Pormal na tinanggap kahapon ng Creamline Cool Smashers si Pons, kung saan nag-post si opposite spiker Michele Gumabao ng Instagram story na nagbibigay sa una ng cake sa isang lunch ng koponan.
Kilala sa kanyang remarkable performances kasama si long-time beach volleyball partner Sisi Rondina sa sand, ang 26-year old na si Pons ay huling naglaro sa indoor volleyball noong 2019.
Dahil nagpapagaling pa si Alyssa Valdez mula sa knee injury, ang pagpasok ni Pons sa Cool Smashers ay tiyak na malaking tulong sa kanilang Invitational Conference title defense.
Sa ilalim ni head coach Sherwin Meneses, ang Cool Smashers ay mayaman ngayon sa spikers kung kanino idi-distribute ni setter Jia de Guzman ang bola.
Sasamahan ni Pons sina Gumabao, Valdez, Jema Galanza at Tots Carlos sa malalim na offensive rotation ng Creamline.