PVL: HIGH SPEED HITTERS, LADY ARMY MAGKAKASUBUKAN

Laro ngayon:
(Filoil EcoOil V Centre)
4 p.m. – PLDT vs Army-Black Mamba

MAGHAHARAP ang PLDT at Army-Black Mamba — dalawang koponan na hindi lamang nanatiling malusog sa eliminations kundi nagpakita rin ng malaking improvement mula sa huling torneo — sa nag-iisang Premier Volleyball League Invitational Conference semifinal match ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Magsisimula sa scratch ang High Speed Hitters at ang Lady Troopers sa alas-4 ng hapon, sa pagbubukas ng maikling semis round na tinatampukan ng dalawang guest teams mula sa Japan at Taiwan.

Makaraang tulungan ang kanyang koponan na matamo ang breakthrough semis appearance sa PVL, nakahanda si Mika Reyes para sa matinding hamon.

Makaraang harapin ang Army, muling makakatagpo ng PLDT ang Cignal at Creamline bago sagupain ang bisitang Kobe Shinwa Women’s University at KingWhale Taipei sides.

Ang top two teams sa single-round semifinals ay uusad sa one-match final.

“Kailangan naming ayusin ‘yung galaw namin kasi ‘yung kalaban for sure next week mas kumpleto na lahat ng players sa lahat ng team kaya kailangan naming pumukpok talaga kasi mas mahihirapan kami especially next week na lahat gusto manalo,” sabi ni Reyes, na nanguna sa liga sa blocking matapos ang eliminations.

“Kung iisipin hindi pa rin talaga tapos and hindi porket nakapasok ng semis malaking bagay na. Invitational to hindi siya last conference na kapag semis dire-diretso na ngayon magra-round robin pa ulit and all,” dagdag ng La Salle star.

Sa kabila na natamo ang paunang layunin ng koponan na makapasok sa semis, sinabi ni Reyes na kailangan pa ring kumayod nang husto ng High Speed Hitters matapos ang kanilang lackluster showing kontra kulang sa HD Spikers noong Sabado.

Tumapos si Reyes na may 14 points, kabilang ang 2 blocks sa 25-19, 25-20, 21-25, 25-22 panalo ng PLDT laban sa Cignal na nakatulong sa tropa ni coach George Pascua para tapusin ang elimination round sa ikalawang puwesto sa 4-2.

“We’re very happy and sino ba’ng hindi magiging masaya for that? Isa pa lang din iyan sa mga goal namin. Accomplished ‘yung first goal. Pero kailangan namin magtrabaho pa since hindi talaga ganun kaganda yung nilaro namin kanina,” sabi ni Reyes.

Ang Lady Troopers ang huling koponan na pumasok sa semifinals, makaraang magwagi sa tatlo sa kanilang anim na laro sa eliminations.