Standings W L
Akari 7 0
Cignal 6 1
Creamline 5 2
PLDT 5 2
Chery Tiggo 5 2
PetroGazz 4 3
Capital1 4 3
Farm Fresh 3 4
Choco Mucho 2 5
Nxled 1 6
Galeries Tower 0 7
ZUS Coffee 0 7
Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
1 p.m. – Galeries Tower vs Capital1
3 p.m. – Nxled vs Cignal
5 p.m. – Farm Fresh
vs Akari
DALAWA ang pakay ng Farm Fresh sa kanilang final preliminary round match kontra Akari sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na magbabalik sa dati nitong tahanan sa FilOil EcoOil Centre ngayong Martes.
Ang Foxies ay hindi lamang naghahangad na makopo ang nalalabing quarterfinal berth kundi sisikapin ding maging unang koponan na nakatalo sa Chargers, na nasa kanilang pinakamagandang simula magmula nang lumahok sa liga noong 2022.
Pitong quarterfinal spots na ang kinuha ng Akari, Cignal, Creamline, PLDT, Chery Tiggo, Petro Gazz at Capital1, at ang huling puwesto ay pinag-aagawan ng Farm Fresh at Choco Mucho.
Kailangan lamang manalo ng Foxies, may 3-4 record at isang laro ang abante sa Flying Titans na may 2-5, sa 5 p.m. match upang umabante sa knockout stage.
Kumpiyansa si Farm Fresh coach Shota Sato sa kakayahan ng kanyang koponan na maglaro under pressure.
“I trust our players, and we’ll make the necessary adjustments in training,” pahayag ni Sato matapos ang 25-17, 25-23, 25-20 panalo ng Foxies kontra Solar Spikers.
Natalo naman ang Flying Titans sa Cool Smashers, 16-25, 19-25, 29-31, noong Sabado, at ang kanilang kapalaran na umusad sa quarters ay hindi lamang nakasalalay sa kanilang mga kamay.
Para umabante ang Choco Mucho, kailangan nitong talunin ang PLDT sa tatlo o apat na sets sa Huwebes at umasang matalo ang Farm Fresh sa Akari. Ang Flying Titans ay maaaring umusad base sa superior tiebreak score at magtatapos ang Foxies na may katulad na 3-5 record.
Sa pangunguna ni American Oly Okaro at ng malakas na local lineup sa pamumuno nina Ivy Lacsina at Grethcel Soltones, ang Akari ay determinadong tapusin ang eliminations na may malinis na kartada.
Samantala, maghahanda na ang Capital1 at Cignal para sa quarterfinals sa pagharap sa Galeries Tower at Nxled sa ala-1 at alas-3 ng hapon, ayon sa pagkakasunod.
Ang Solar Spikers at HD Spikers ay kapwa naghahangad ng panalo upang mapataas ang kanilang standings at makuha ang paborableng matchups sa quarterfinals.
Ang Last 8 pairings ay madedetermina base sa final rankings, kung saan makakabangga ng top ranked team ang No. 8 squad, No. 2 versus No. 7, No. 3 versus No. 6 at No. 4 versus No. 5.