PVL: IKA-3 SUNOD NA PANALO PAKAY NG ZUS COFFEE

Standings W L
Creamline 3 0
Cignal 3 0
PLDT 3 1
Chery Tiggo 3 1
ZUS Coffee 2 1
PetroGazz 2 1
Akari 2 2
Choco Mucho 2 3
Farm Fresh 1 2
Capital1 1 3
Galeries Tower 0 4
Nxled 0 4

Mga laro ngayon:

(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – Farm Fresh vs ZUS Coffee
6:30 p.m. – PetroGazz vs Akari

SISIKAPIN ng ZUS Coffee na mahila ang kanilang winning run sa tatlong laro sa pagharap sa Farm Fresh, habang makakasagupa ng PetroGazz ang inaalat na Akari sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Araneta Coliseum.

Magsasalpukan ang Thunderbelles at Foxies sa alas-4 ng hapon, habang magpapambuno ang Angels at Chargers sa alas-6:30 ng gabi.

Sa likod nina top rookie pick Thea Gagate at Jovelyn Gonzaga, winalis ng ZUS Coffee ang kanilang huling dalawang laro kontra Nxled at Galeries Tower upang umangat sa 2-1 at makatabla ang PetroGazz sa fifth spot.

Ang Creamline at Cignal ay nanatiling walang talo sa 3-0, kasunod ang PLDT at Chery Tiggo na may 3-1 marka.

Ginulantang naman ng Farm Fresh ang Akari sa straight sets upang wakasan ang two-match losing skid, at ibigay kay bagong coach Benson Bocboc ang unang panalo nito.

Nakatulong din sa Thunderbelles ang unti-unting pagbalik sa porma ni setter Clo Mondoñedo upang gumawa ng plays para kina Gagate at Gonzaga.

Umaasa si Trisha Tubu na maipagpatuloy ang kanyang solid plays upang pangunahan ang Foxies sa kanilang unang winning streak sa season.

Subalit kapwa determinado ang Angels at Chargers na makabalik sa trangko.

Ang PetroGazz ay galing sa magkahalong resulta matapos ang season-opening win, habang ang Akari ay determinadong makabawi mula sa to back-to-back losses matapos ang dalawang sunod na panalo.

Pamumunuan ni Brooke van Sickle, ang fourth-leading scorer ng conference, ang atake ng Angels.