Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Creamline vs ZUS Coffee
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Farm Fresh
IPINAGDIWANG ng PetroGazz ang pagbabalik ni star middle blocker MJ Phillips sa 12-25, 25-14, 25-22, 25-20 pagdispatsa sa PLDT upang hilahin ang kanilang winning streak sa tatlo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena.
Nakakuha ang Angels ng 21 points, 12 digs at 8 receptions kay Brooke Van Sickle, subalit ang team effort ang muling nagdala sa tropa ni coach Koji Tsuzurabara sa ika-4 na panalo sa limang laro.
Napanatili ni Myla Pablo ang kanyang resurgence na may 19 points sa 17-of-40 kills at 2 blocks, habang si Jonah Sabete ay nasa kanyang pinakamagandang laro ngayong season para sa PetroGazz na may 17 points.
Tumapos si Rem Palma na may 8 points, kabilang ang tatlong service aces, habang nagtala ang isa pang middle blocker ng Angels na si Joy Dacoron ng match-best 3 blocks para sa six-point effort.
Naglaro sa unang pagkakataon ngayong season, si Phillips, galing sa knee injury, ay nagtala ng 2 points bilang substitute sa bawat set.
Maganda rin ang nilaro nina PetroGazz liberos Jellie Tempiatura at Blove Barbon. Nakakolekta si Tempiatura ng 11 digs habang nagtala si Barbon ng 14 receptions.
“I want to appreciate our two liberos. Always constant to catch (the ball), constant defense and talking,” sabi ni Tsuzurabara.
Nariyan din si Angels playmaker Djanel Cheng, na gumawa ng 18 excellent sets.
Umiskor si Savi Davison ng 28 points sa 26-of-49 kills, at nagdagdag ng 12 receptions para sa High Speed Hitters, na nabigong mapanatili ang kanilang malakas na first set at nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang 3-0 simula.