PVL: MAIZO-PONTILLAS, PINEDA, PHILLIPS ANGELS NA

AGAD na nakahanap ng bagong tahanan sina Aiza Maizo-Pontillas, Bang Pineda, at MJ Phillips makaraang magpasiya ang kanilang koponang Sta. Lucia na magbakasyon sa Premier Volleyball League (PVL) 2022 season.

Pinormalisa ng mga dating Lady Realtors noong Miyerkoles ang pagpirma sa Petro Gazz, na kinailangang magdagdag ng mga tao kasunod ng paglisan ng siyam na core players nito.

Sa isang post sa Twitter, winelcome ng Angels ang tatlo kung saan target nilang mahigitan ang kanilang third place finish sa 2021 PVL Open Conference.

“Finally! Let’s officially welcome 3 of our newest Angels,” nakasaad sa post.

“Established names in the industry, Aiza Maizo, Mj Phillips and Bang Pineda all #GazzedUp to give us exciting games ahead!! Who’s ready?!”

Sina Maizo-Pontillas, Pineda, at Phillips ay tatlo lamang sa mga pinakabagong mukha sa  kampo ng Angels. Nadagdag din sa koponan si veteran outside hitter Nicole Tiamzon, gayundin sina dating players Cienne Cruz, Djanel Cheng, at Jonah Sabete.

Makakasama nila sina holdovers Grethcel Soltones, Myla Pablo, Rem Palma, Chie Saet, at  Seth Rodriguez.