PVL: MALINIS NA MARKA ITATAYA NG CIGNAL VS PETROGAZZ

Standings W L
Cignal 4 0
Creamline 4 0
PetroGazz 4 1
PLDT 3 2
Chery Tiggo 3 2
Akari 3 3
Choco Mucho 3 3
ZUS Coffee 2 3
Farm Fresh 2 3
Galeries Tower 1 4
Capital1 1 4
Nxled 0 5

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Galeries Tower vs Chery Tiggo
6:30 p.m. – Cignal vs PetroGazz

SISIKAPIN ng Cignal at PetroGazz na matikas na tapusin ang taon sa huling araw ng laro sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Sabado sa Philsports Arena.

Nakatakda ang salpukan ng HD Spikers at Angels sa alas-6:30 ng gabi.

Nakataya ang kanilang unbeaten 4-0 record, target ng Cignal na mahila ang kanilang remarkable winning streak at kunin ang solo lead papasok sa holiday break.

Ang Cignal, kasalukuyang kasalo ang defending champion Creamline sa ibabaw ng standings, ay nagtala ng sweeps kontra Farm Fresh at Nxled, gayundin ng four-set triumphs laban sa Choco Mucho at Chery Tiggo.

Binigyang-diin ni Vanie Gandler, ang second-leading scorer ng HD Spikers sa likod ni Ces Molina, ang pangangailangan para sa improvement, partikular sa communication.

“There are times we make errors consistently, so we’re just going to keep working from hereon,” sabi ni Gandler.

Mainit din ang 4-1 Angels, galing sa three-game winning streak, kabilang ang back-to-back three-set romps laban sa Foxies at Chameleons, gayundin ang hard-fought four-set victory laban sa Flying Titans.

Determinado ang PetroGazz na bitbitin ang momentum na ito papasok sa break, at hilahin ang kanilang winning run.

Ang Angels ay nagpamalas ng matinding balance kung saan nakakuha si Brooke Van Sickle ng malaking tulong mula kina Jonah Sabete at Myla Pablo sa opensa, habang nariyan ang leadership ni Rem Palma sa court.

Ikinatuwa rin ni PetroGazz coach Koji Tsuzurabara ang ipinakikita nina setter Djanel Cheng at liberos Jellie Tempiatura at Blove Barbon.

Samantala, sisikapin ng Chery Tiggo na makabawi mula sa four-set loss sa Akari sa pagsagupa sa Galeries Tower sa alas-4 ng hapon.

Handa ang Crossovers sa anumang maaaring ipakita ng Highrisers.

Pinutol ng Galeries Tower ang four-game losing streak sa straight-set win kontra Capital1 sa Cebu noong nakaraang linggo.

“First, I’m just really thankful kay God and I’m just super happy that we finally got our first win,” sabi ni rookie Julia Coronel, ang dating La Salle setter.

“And we’re really hoping to get many, many more wins this conference and siyempre paghihirapan talaga namin ‘yun.”

Ang Chery Tiggo ay tabla sa PLDT na may 3-2 record.