PVL: MIGUEL BAGONG HEAD COACH NG CHERY TIGGO

ITINALAGA ng Chery Tiggo si Norman Miguel bilang head coach ng koponan para sa darating na 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) season.

Pinalitan ni Miguel si Kungfu Reyes, na mananatili sa koponan bilang assistant coach.

Sabik na si Miguel, iginiya ang National University Lady Bulldogs sa UAAP Season 86 Women’s Volleyball championship, na harapin ang bagong hamon.

“Actually, naka-focus ako sa isang work ko, connected pa rin siya sa volleyball, and then one time, tinawagan ako ni Coach Aaron (Velez). Why not give it a try na this time, more challenging kasi pro league ‘to, ‘di ba,” pagbabahagi ni Miguel.

“For me, it’s about time na ma-test ko ‘yung skills ko, kung saan tayo aabot sa ganitong level. ‘Yun din, exploring na rin para sa career ko, how is it like coaching a professional team. Honored naman ako na tinawagan ako ng Chery and happy naman ako na this time, sa professional tournament, head coach naman ako kasi before, nasa coaching staff lang ako.”

Si Reyes, na siya ring head coach ng University of Santo Tomas, ay itinalagang head coach ng Chery Tiggo sa kaagahan ng taon subalit ngayon ay tutulong na lamang kay Miguel bilang assistant coach.

“First of all, wine-welcome natin si Coach Norman. As a champion tactician ng National University, ‘yung experience niya na dadalhin sa team, malaking bagay,” sabi ni Reyes, na ang Tigresses ay nakaharap ang Lady Bulldogs sa UAAP Finals.

“Luckily, nakuha natin si Coach Norman na kayang magbigay ng full time and attention para sa team, so malaking bagay ‘yun para sa upcoming All-Filipino Conference. Goal ko naman this time is maging assistant coach niya. Diyan naman ako galing dati, tutulungan natin siya na i-guide ang team at very much welcome siya sa atin.”

Hinggil sa kanyang bagong papel at working relationship kay Reyes, idinagdag ni Miguel na, “In terms of ‘yung relationship, hindi na ibang tao sa’kin sila Coach Kungfu. In the past, nagkasama na kami niyan sa Amihan and Bagwis national teams, and even doon sa mga coaching stints ko dati, nagkasama na rin kami sa university, sa UST.

“I think, ako, kailangan ko munang ma-establish sa kanila ‘yung relationship, especially sa mga players, and then reestablish ‘yung relationship kasi may mga players dito sa Chery na naging players ko rin naman in the past. Gaya nung sinabi ko sa kanila kanina, I’m looking forward na magkaroon ng magandang relationship muna kasi for me, ‘yun ang pinaka-importante. You have your connections with your players and coaching staff, and from there, we’ll see kung ano ‘yung mga adjustments, ano ‘yung mga systems na pwedeng idagdag sa system ni Coach Kungfu.”

Sa 2024 Reinforced Conference ay tumapos ang Chery Tiggo sa fifth place.

Umaasa ang Crossovers na sa expertise ni Miguel ay mas malayo ang kanilang mararating.

Nagpahayag ng kumpiyansa si team manager Aaron Velez sa tsansa ng koponan sa darating na season.

“We at Chery are in a constant search of finding ways to improve and fortify our volleyball team in line with achieving something that we would love to offer to our families, supporters, and sports enthusiasts,” sabi ni Velez, ang coach na nagdala sa Chery Tiggo sa 2021 Open Conference championship.

“Coach Norman is a champion tactician, and with the assistance of Coach Kungfu, the help of our reputable coaches, and the passion of our determined players, we are gearing up and refueling towards attaining our goal.”