PVL: MOLINA, MENESES BYE-BYE NA SA CIGNAL

Standings W L
Creamline 4 0
PetroGazz 5 1
Cignal 4 1
Chery Tiggo 4 2
PLDT 3 2
Akari 3 3
Choco Mucho 3 3
ZUS Coffee 2 3
Farm Fresh 2 3
Capital1 1 4
Galeries Tower 1 5
Nxled 0 5

Mga laro sa Jan. 18
(Philsports Arena)
1:30 p.m. – Farm Fresh vs Nxled
4 p.m. – ZUS Coffee vs Choco Mucho
6:30 p.m. – Akari vs PLDT

IPAGPAPATULOY ng Cignal ang kanilang kampanya sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference na wala ang dalawa sa kanilang karaniwang starting six.

Pinili nina Ces Molina at Riri Meneses, na gumanap ng mahalagang papel sa pagiging perennial contenders ng HD Spikers, na hindi na i-renew ang kanilang kontrata.

Sa pamamagitan ng kanilang social media accounts, inanunsiyo kahapon ng agency nina Molina at Meneses, ang Avior Talent Management, na ang dalawa ay umalis na sa Cignal, na may nalalabi na lamang ngayon na 12 players.

Ang kaganapang ito ay sa gitna ng paghahanda ng HD Spikers para sa pagpapatuloy ng 2024-25 season sa Enero 18.

Papasok sa Christmas break, ang Cignal ay may 4-1 record sa likod ng defending champion Creamline (4-0) at PetroGazz (5-1).

Si Molina ay may 10 points habang naglaro lamang si Meneses sa first at third set at tumapos na may isang puntos sa pinakahuling laro ng HD Spikers bago ang break, kung saan nalasap nila ang 19-25, 21-25, 18-25 pagkatalo sa Angels noong nakaraang Dec. 14 na pumutol sa kanilang four-match undefeated run.

“Avior Talent Management expresses its most sincere gratitude towards Cignal HD Spikers Management for all the opportunities it had given to Frances Xinia Molina and Marivic Meneses, two Avior talents, over the past three years as they have decided to part ways with the team”, pahayag ng kanilang management agency.

“We wish nothing but the best for the team.”

Magmula nang umanib sa Cignal noong 2022, sina Molina at Meneses ay naging key contributors sa tagumpay ng HD Spikers, pinangunahan ang koponan sa dalawang runner-up at limang third place finishes sa walong conferences.

Si Molina ay naging Conference MVP sa 2023 Invitationals, habang nakopo ni Meneses ang dalawang Best Middle Blocker awards sa 2022 Open Conference at 2023 Second All-Filipino Conference.

Susunod na makakaharap ng Cignal ang Galeries Tower para sa pagsisimula ng bagong taon sa January 21 sa Philsports Arena.

Hanggang press time, ang HD Spikers ay hindi pa naglalabas ng statement hinggil sa paglisan nina Molina at Meneses.