PVL: NO. 1 SEED SESEEMENTUHAN NG COOL SMASHERS

Standings W L
*Creamline 6 1
*F2 Logistics 6 2
*PetroGazz 5 2
PLDT 5 2
Chery Tiggo 4 3
Choco Mucho 2 5
Akari 2 5
Cignal 2 4
Army-Black Mamba 0 7
*semifinalist

Mga laro ngayon:
(University of San Agustin Gym, Iloilo)
4 p.m. – Chery Tiggo vs PetroGazz
6:30 p.m. – Akari vs Creamline

SISIKAPIN ng Chery Tiggo na mapanatiling buhay ang kanilang maliit na semifinals hopes kontra PetroGazz sa pagtungo ng Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Iloilo City.

Handa ang Crossovers para sa matinding bakbakan sa 4 p.m. match sa University of San Agustin Gym, kung saan gagawin din ng Angels ang lahat para makopo ang panalo at mapalakas ang kanilang tsansa para sa mas mataas na ranking sa Final Four.

Samantala, makakaharap ng Creamline ang Akari sa alas-6:30 ng gabi kung saan target ng defending champions na tapusin ang kanilang elimination round campaign bilang No. 1 team.

Umaasa ang Chargers, bigong makausad sa semis sa ikalawang sunod na torneo, na matikas na tapusin ang kanilang kampanya.

Nakasisiguro na ang PetroGazz, may 5-2 record, ng isang puwesto sa semis na may superior tiebreak ratio sakaling magkaroon ng triple tie sa 5-3.

Pasok na rin ang F2 Logistics sa semis kasunod ng four-set win kontra winless Army-Black Mamba noong nakaraang linggo para sa 6-2 record.

Ang PLDT ay may 5-2 marka at tatapusin ang kanilang elims campaign laban sa also-ran Choco Mucho sa Huwebes sa Philsports Arena.

May 4-3 kartada, ang tsansa ng Chery Tiggo sa semis ay nakasalalay sa straight-set romp ng PetroGazz na sasamahan ng pagkatalo ng PLDT sa Choco Mucho sa tatlong sets bagaman depende pa rin ito sa resulta ng point ratios ng contending teams sa pagtatapos ng eliminations.

Ang semifinals, na babalik sa match-ups sa pagitan ng No. 1 at 4 at No. 2 at 3 teams sa best-of-three series, ay magsisimula sa Sabado sa Philsports Arena.