PVL: NO. 3 SEED SINELYUHAN NG PLDT

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs Creamline
6:30 p.m. – PetroGazz vs PLDT

NAKOPO ng PLDT ang No. 3 ranking at nakaiwas sa showdown sa Creamline sa semifinals sa 21-25, 25-23, 25-23, 25-16 panalo kontra also-ran Choco Mucho sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena.

Kinuha ng Flying Titans ang opening set, subalit nag-regroup ang High Speed Hitters sa sumunod na tatlo upang tapusin ang elimination round na may 6-2 record.

Nabuo ang three-way tie sa second place, ngunit ang PetroGazz at PLDT ay may mas mataas na match points na may 19 at 18 points, ayon sa pagkakasunod, kumpara sa 16 ng F2 Logistics.

Makakasagupa ng High Speed Hitters ang Angels sa best-of-three semifinals simula bukas sa parehong Pasig venue. Tinalo ng PLDT ang PetroGazz sa limang sets sa eliminations.

Nagkataon na makakaharap ni coach Rald Ricafort ang Angels na ginabayan niya sa Reinforced Conference championship noong nakaraang taon bago lumipat sa High Speed Hitters.

“Pipiliin ko na iyon rather sa bad game namin sa Creamline. Okay na ako sa PetroGazz,” sabi ni Ricafort, na ang koponan ay nalasap ang straight-set loss laban sa Cool Smashers noong March 7.

Makakabangga ng Cool Smashers, nanguna sa elims na may 7-1 kartada, ang Cargo Movers sa isa pang semis pairing. Ang F2 Logistics ang nagpalasap sa Creamline ng nag-iisa nitong talo sa torneo, isang five-set thriller noong nakaraang February 18.