PVL: PALOMATA, PRADO PASOK NA RIN SA PLDT

PATULOY sa pagpapalakas ang PLDT Home Fibr bago ang 2022 season ng Premier Volleyball League (PVL).

Inanunsiyo ng High Speed Hitters ang pagkuha kina towering middle blocker Dell Palomata, at versatile outside hitter Jovelyn Prado.

Sina Palomata, 26, at Prado, 25, ay kapwa dating naglaro para sa Sta. Lucia sa 2021 PVL Open Conference. Ang Lady Realtors ay magpapahinga muna sa liga ngayong taon kaya naging free agents ang mga player nito.

Hindi naging mahirap para kay Palomata ang pagpirma sa PLDT dahil si bagong High Speed Hitters head coach George Pascua ay isa sa kanyang mentors nang maglaro siya para sa Choco Mucho sa 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship.

Si PLDT assistant coach Raffy Mosuela ay bahagi rin ng Philippine Air Force.

“Sumali ako sa PLDT dahil sa coaches,” sabi ni Palomata, na magiging special guest player para sa PLDT dahil isa pa rin siyang enlisted Air Force personnel.

Nauna na ring kinuha ng PLDT squad sina ace libero Kath Arado at veteran middle blocker Jessey de Leon. Muling pangungunahan ni multi-awarded setter Rhea Dimaculangan ang koponan.