Standings W L
Creamline 3 0
Cignal 3 0
PLDT 3 1
PetroGazz 3 1
Chery Tiggo 3 1
ZUS Coffee 2 1
Farm Fresh 2 2
Akari 2 3
Choco Mucho 2 3
Capital1 1 3
Galeries Tower 0 4
Nxled 0 4
Mga laro ngayon:
(Minglanilla Sports Complex, Cebu)
4 p.m. – Nxled vs Cignal
6:30 p.m. – Capital1 vs Galeries Tower
TARGET ng Cignal ang ika-4 na sunod na panalo sa pagsagupa sa Nxled sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference Cebu sortie ngayong Sabado sa Minglanilla Sports Complex.
Nakatakda ang laro sa alas-4 ng hapon.
Pinapaboran ang HD Spikers kontra Chameleons lalo na’t nagbalik na sina Alas standouts Vanie Gandler at Dawn Catindig.
Nariyan din ang superb playmaking ni Cignal setter Gel Cayuna, gayundin ang kanyang malaking kontribusyon sa opensa.
“Bina-balance ko lang din kasi siyempre every game, siya talaga ‘yung main setter. So parang, timing lang siguro,” sabi ni HD Spikers coach Shaq delos Santos sa progreso ni Cayuna.
“Nasa galaw na. When it comes sa situation na ganito, alam na niya ang gagawin. Siguro ‘yung maturity din, ‘yung naging improvement niya every conferences and sa training, and yung mga ideas na naibibigay namin, siguro lahat magkakasama na doon,” dagdag pa niya.
“Good thing, lahat, ‘yung buong team namin na maganda ang response doon sa lahat ng ginagawa naming paghihirap.”
Ang Chameleons, lugmok sa 0-4 simula sa kabila ng solid numbers nina Chiara Permentilla at Lycha Ebon, ay naghahanap pa rin ng breakthrough sa ilalim ni Italian coach Ettore Guidetti.
Umaasa ang Capital1 na maitala ang kanilang unang winning streak sa season kontra Galeries Tower, na tulad ng Nxled ay 0-4, sa alas-6:30 ng gabi.
Pinutol ng Solar Spikers ang three-match slide kasunod ng 21-25, 25-21, 25-15, 25-18 panalo kontra Chameleons noong nakaraang linggo.
Makaraang magbigay ng magandang laban sa kanilang unang dalawang laro, ang Highrisers ay nabaon sa ilalim ng standings matapos malasap ang back-to-back straight-set defeats.
Nais ng Capital1 na lisanin ang Cebu na masaya at nagdiriwang.
“Yung confidence level namin, dapat bitbitin namin doon next game namin para, ang biruan nga eh, para masaya-saya naman ang Pasko namin,” sabi ni Solar Spikers coach Roger Gorayeb.
Puntirya ng Cignal, kasalukuyang tabla sa Creamline sa 3-0, ang solo lead at ang mataas na kumpiyansa papasok sa huling laro ng liga para sa taon, ang showdown sa PetroGazz sa Dec. 14.