Mga laro bukas:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – F2 Logistics vs Army-Black Mamba
6:30 p.m. – Chery Tiggo vs Akari
SUMANDAL ang PetroGazz kina veterans Grethcel Soltones at Aiza Maizo-Pontillas upang pataubin ang also-ran Akari, 25-15, 25-19, 22-25, 25-16, at umabante sa semifinals ng Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Kumana si Soltones ng 16-of-32 attacks at nagpakawala ng apat na service aces upang tumapos na may 20 points at kumolekta ng 12 digs habang nag-ambag si Maizo-Pontillas ng 15 points para sa Angels.
Tabla ngayon sa walang larong F2 Logistics sa 5-2, ang PetroGazz ay uusad pa rin sa Final Four kahit matalo sa kanilang huling laro kontra Chery Tiggo sa Iloilo sa Martes sa bisa ng mas mataas na set ratio.
“Well that’s our realistic goal, to be in the semifinals first,” sabi ni Angels coach Oliver Almadro. “Sabi nga namin, we will work hard to reach the realistic goal first and then let’s take it from there. And if the Lord will give us the opportunity to be in the Finals, we will be happy.”
Solido si Remy Palma sa defensive end para sa PetroGazz na may match-best 3 blocks para sa 13-point outing.
Hindi titigil ang Angels dahil nais nilang tapusin ang eliminations sa panalo kontra Crossovers side na magtatangkang pumasok sa susunod na round.
“We wanted to win para madala namin ang momentum going into the semis,” ani Palma. “Magta-travel pa kami going to Iloilo. Isang magandang balik din para sa tao doon para makapagbigay ng magandang laro.”
Nagtala si Erika Raagas ng 19 points at 11 receptions habang nagdagdag si Dindin Santiago-Manabat ng 9 points para sa Chargers. Nahulog ang Akari sa 2-5 kartada.