PVL: PETROGAZZ, PLDT SOSOSYO SA NO. 1

Standings W L
Creamline 3 1
Chery Tiggo 3 1
F2 Logistics 3 1
PLDT 2 1
PetroGazz 2 1
Choco Mucho 1 2
Cignal 1 3
Akari 1 3
Army-Black Mamba 0 3

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – Choco Mucho vs Army-Black Mamba
6:30 p.m. – PetroGazz vs PLDT

TARGET ng PLDT at PetroGazz na sumalo sa liderato sa kanilang paghaharap sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Inaabangan na ni coach Rald Ricafort, ginabayan ang Angels sa Reinforced Conference crown noong nakaraang taon, na makaharap ang kanyang dating koponan sa pagtatangka ng High Speed Hitters na makopo ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa alas-6:30 ng gabi.

Galing sa 25-13, 25-22, 27-25 panalo kontra dating walang talong Chery Tiggo noong Martes ng gabi, si Ricafort ay masaya sa ipinakikita ng PLDT ngayong season.

“‘Yun lang, coming into the game yung mindset nila yung nagdadala e. Nireremind lang talaga sila na kahit hindi sila yung may big names, kahit sila yung medyo rebuilding pa this season dahil sa system na ina-apply lagi [kaming] may chance manalo,” sabi ni Ricafort.

Makaraang matalo sa Creamline sa season opener, ang PetroGazz ay nanalo sa kanilang huling dalawang laro, kabilang ang 28-26, 25-18, 25-13 pagbasura sa Cignal noong Sabado.

Nakatutok ang lahat kina High Speed Hitters’ Mean Mendrez at Angels’ Grethcel Soltones.

Binigyan ni Ricafort si Mendrez ng kumpiyansa, kung saan naging starter ito sa huling dalawang laro na napagwagian ng PLDT.

Ibinalik naman ni Soltones ang kamay ng orasan kung saan binuhay ni PetroGazz coach Oliver Almadro ang opensa na kilala ang dating NCAA MVP.

Samantala, sisikapin ng Choco Mucho na putulin ang two-match slide kontra winless Army-Black Mamba sa unang laro sa alas-4 ng hapon.