Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Army-Black Mamba vs Akari
6:30 p.m. – PLDT vs Chery Tiggo
NALUSUTAN ng PetroGazz ang extended first set at rumatsada sa sumunod na dalawa upang gapiin ang Cignal, 28-26, 25-18, 25-13, para sa kanilang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Sa rematch ng Reinforced Conference championship noong nakaraang season, ipinalasap ng Angels sa HD Spikers ang ikatlong pagkatalo sa apat na laro, sa pangunguna nina Remy Palma at Grethcel Soltones.
Tumirada si Palma ng 4 blocks upang tumapos na may 15 points habang nag-ambag si Soltones ng 14 points para sa PetroGazz.
Sa patuloy na pagbawi ng Angels mula sa kanilang season-opening defeat sa Cool Smashers, masaya si coach Oliver Almadro na makita ang tagumpay ng kanyang tropa sa huling dalawang laro.
“Morale booster para sa amin. Kasi sabi ko mga big teams ang nauna sa amin. Nagsimula sa Creamline, Choco Mucho, so big teams. So sabi ko kanila, we have to get one game at a time,” sabi ni Almadro.
“What I said it to them, is they did it before. They can do it again. Kasi di ba, kalaban nila sa Finals yung Cignal. So, it’s them. Kumbaga, ako lang, taga-motivate lang ako at taga-guide,” dagdag pa niya.
Binigyan ng malaking papel ngayong conference sa ilalim ni Almadro kung saan nangako siyang ibabalik ang “prime” Soltones, ang dating NCAA MVP ay masaya sa kumpiyansang ibinigay sa kanya.
“Sobrang thankful ako kasi parang ganoon pala ang tiwala sa akin, eh kalaban ko dati ito (Almadro),” sabi ni Soltones. “’Yun nga, parang ang mapa-promise ko lang, hindi ko siya bibiguin sa ibibigay niya sa aking role.
Gumawa si PetroGazz setter Djanel Cheng ng 19 excellent sets, habang nag-ambag sina liberos Jellie Tempiatura ng 11 digs at Cienne Cruz ng 14 receptions.
Nanguna si Ces Molina para sa Cignal na may 11 points at 8 receptions habang bumanat si Rachel Anne Daquis ng 9 kills at 9 receptions.