PVL: PLDT HUMIRIT NG DO-OR-DIE

PETRO GAZZ

TINALO ng Petro Gazz sa opening frame, sumandal ang PLDT sa breaks sa second pagkatapos ay dinomina ng High Speed Hitters ang Angels sa sumunod na dalawa upang maitakas ang 14-25, 25-23, 25-14, 25-15 panalo at maipuwersa ang sudden death para sa isang finals berth sa Premier Volleyball League All Filipino Conference kahapon sa harap ng jampacked crowd sa Mall of Asia Arena.

Kuminang si libero Kath Arado sa larong kadalasang naka-reserve para sa power hitters at middles sa pagkamada ng 26 excellent digs at 12 excellent receptions.

“Siguro dahil sa tiwala ng coaches at teammates ko,” sabi ni Arado patungkol sa kanyang game-long exploits na tinampukan ng spectacular saves at receptions na bumigo sa serye ng atake ng Angels habang gumawa ng ilang PLDT assaults, sa likod ng playmaking prowess ni Rhea Dimaculangan sa huling dalawang sets.

“Lahat ng sacrifices sa training, ibinabalik ko lang sa kanila,” dagdag ni Arado.

Isa itong malaking bounce-back win para sa High Speed Hitters, na nalasap ang 25-22, 19-25, 21-25, 18-25 loss sa Angels sa opener ng kanilang best-of-three semis series sa Philsports Arena noong nakaraang Sabado.

Pag-aagawan nila ang isang finals seat bukas sa Pasay arena.

Tumapos si Dimaculangan na may 25 excellent sets, na nagprodyus ng apat na double digit scorers sa katauhan nina Michelle Morente (16), Jovie Prado (15) at Mika Reyes at Mean Mendrez, na umiskor ng tig-11 points.

“Sabi ko, ibinigay pa namin ‘yung first set para mag warm-up, sobrang slow start, eh. Hindi naman about sa Petro Gazz, pero sa amin mismo,” sabi ni PLDT coach Rald Ricafort, na ginabayan ang Angels sa Reinforced Conference crown noong nakaraang December. “Yung first set, wala pa yung focus at intensity.”