PVL: PLDT SA S’FINALS

NAISAAYOS ng PLDT ang semifinal duel sa Akari makaraang sibakin ang Chery Tiggo, 25-23, 25-27, 15-25, 25-18, 15-9, sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kagabi sa Filoil EcoOil Centre.

Naitala ni Russian Elena Samoilenko ang apat sa huling limang puntos ng High Speed Hitters at kinapos ang Crossovers sa kanilang paghahabol mula sa 5-8 deficit sa deciding set.

Tumapos si Samoilenko na may 37 points, kabilang ang 3 blocks at 2 service aces, at 15 receptions habang nagdagdag si Fiola Ceballos ng 12 points, 14 receptions at 8 digs para sa PLDT.

Umiskor si Majoy Baron ng 9 points, nag-ambag si Kiesha Bedonia, na naging starter para sa High Speed Hitters sa huling tatlong sets, ng 8 points, habang nagtala si Mika Reyes ng 2 blocks para sa seven-point effort.

Ito na ang ikatlong PVL semis appearance ng PLDT, subalit ang una magmula sa Invitational Conference noong nakaraang taon. Ang High Speed Hitters ay nabigong umabante sa semifinals sa huling dalawang All-Filipino tournaments ng liga.

Magsasagupa ang High Speed Hitters at Chargers, na maghaharap sa unang pagkakataon ngayong conference, sa knockout semifinal bukas, alas-4 ng hapon, sa Philsports Arena.

Makakabangga ng second-ranked Cignal ang mananalo sa knockout duel sa pagitan ng Creamline at PetroGazz na nilalaro pa hanggang press time.

Ang one-off final ay nakatakda sa Sabado sa Mall of Asia Arena.

Masaya ang PLDT, na tinapos ang preliminary round sa panalo kontra Choco Mucho, na nagbunga ang lahat ng kanilang pagsisikap para makaabot sa knockout stage.

“Deserved namin ang situation ngayon na nakaabot kami ng game ngayon. So dinaanan namin ng maayos, nagtrabaho kami ng maayos,” sabi ni coach Rald Ricafort.

“Gusto naming mapasok na culture namin na ‘yung lahat ng games, pinagta-trabahuan. So iyon ang pinaka-hugot namin kanina na iyon ang preparation namin going to this game,” dagdag pa niya.