PINAGTULUNGANG depensahan nina Nicole Mariano at Fifi Sharma ng Akari si Savannah Davison ng PLDT sa kanilang laro sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Cignal vs Farm Fresh
6 p.m. – Strong Group vs Nxled
SINANDIGAN ni Majoy Baron ang PLDT upang magaan na dispatsahin ang Akari, 25-17, 25-19, 25-20, at sumalo sa defending champion Creamline sa liderato sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Isa sa key off-season signees ng High Speed Hitters, si Baron ay kumana ng match-bests 3 service aces at 2 blocks at napantayan ang walong attacks ni Erika Santos upang tumapos na may 13 points.
Nakontrol ng PLDT ang one-hour, 35-minute match upang hilahin ang kanilang winning run sa apat na laro.
Tabla ngayon ang High Speed Hitters sa Cool Smashers sa ibabaw ng standings na may 6-1 record, habang nahulog ang Chargers sa 2-5.
“Happy na nag-perform kami. Malakas ang Akari, sadyang ang complacency ang pinakaproblema namin kung sakali,” sabi ni PLDT mentor Rald Ricafort. “Pero ‘yun, nag-perform naman. Okay lang kung ganoon ang scores, basta nakuha namin. Medyo may buwelo na going to the latter part of the tournament.”
Nagtala si Fil-Canadian Savi Davison ng 11 points at 11 receptions, umiskor si Santos ng 9 points, habang nagpakawala si setter Kim Fajardo ng 2 service aces para sa eight-point effort at gumawa ng 14 excellent sets para sa High Speed Hitters.
Bumanat si Dindin Santiago-Manabat ng 9 kills, nagdagdag si Grethcel Soltones ng 8 kills, 11 receptions at 6 digs, habang gumawa rin si Erika Raagas, na pumasok bilang second at third set substitute, ng 8 points para sa Chargers.