PVL: PLDT SASALO SA LIDERATO

PANGUNGUNAHAN ni Savi Davison ang opensa ng PLDT. PVL PHOTO

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)

4 p.m. – Farm Fresh vs Nxled

6 p.m. – PLDT vs Strong Group

ASAM ng streaking PLDT na mahila ang kanilang run laban sa wala pang panalong  Strong Group, hindi lamang para samahan ang  Choco Mucho sa liderato kundi  ang magkaroon din ng momentum papasok sa  final stretch ng  Premier Volleyball League All-Filipino Conference preliminaries ngayong Martes sa Philsports Arena.

Nasa four-game roll, ang High Speed Hitters ay heavy favorites sa kanilang 6 p.m. match dahil sa kanilang talent-laden roster at experience. Subalit sa mga darating na laro ng PLDT kontra mabibigat na kalaban tulad ng Chery Tiggo, Cignal at Creamline, ang kanilang pagdaraanan patungo sa semifinals ay matarik.

Ang standings ay dikit-dikit kung saan tangan ng Choco Mucho ang solo lead sa 7-1, kasunod ang PLDT na may 6-1 marka. Ang Creamline at PetroGazz ay tabla sa third sa 6-2, kabuntot ang Chery Tiggo at Cignal  na may magkatulad na 5-2 kartada.

Sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa  rankings, walang plano si PLDT coach Rald Ricafort na magkampante kontra  Strong Group.

Makakasagupa ng PLDT ang Chery Tiggo sa Abril 16, haharapin ang  Cignal sa Abril 20 bago ang kanilang salpukan sa   Creamline sa Abril 25.

Ang makaiskor ng sweep ay mahalaga para sa PLDT at sa iba pang  contenders dahil posibleng gamitin ang PVL points system para basagin ang pagtatabla para sa huling semis berth.

Nangunguna rin ang Choco Mucho sa point tally na may 21 total points kasunod ang Petro Gazz na may 19, Creamline na may 18, PLDT na may 17, Cignal na may 16 at Chery Tiggo na may 14.

Muling sasandal ang PLDT kina Savi Davison, Erika Santos, Majoy Baron, Fiola Ceballos at  Dell Palomata kontra Strong Group.

Maghaharap naman ang Farm Fresh at Nxled, may magkatulad na  2-5 kartada, sa  4 p.m. opener. Kapwa sila determinadong manalo para mapanatiling buhay ang kanilang  playoff hopes.