PVL: PLDT SASALO SA LIDERATO

Standings W L
Akari 2 0
Cignal 1 0
Creamline 1 0
PLDT 1 0
Chery Tiggo 1 0
PetroGazz 1 1
Choco Mucho 1 1
Capital1 0 1
ZUS Coffee 0 1
Nxled 0 1
Farm Fresh 0 1
Galeries Tower 0 2

Mga laro ngayon:
(Ynares Center)
4 p.m. – ZUS Coffee vs Nxled
6:30 p.m. – Galeries Tower vs PLDT

TARGET ng PLDT ang back-to-back victories at ang pagsosyo sa maagang liderato sa pagsagupa sa Galeries Tower, habang sisikapin ng ZUS Coffee at Nxled na makapasok sa win column sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Martes sa Ynares Center sa Antipolo.

Inaasahan ni coach Rald Ricafort ang mas eksplosibong performance mula kay Fil-Canadian standout Savi Davision, na naging impresibo sa season-opening 25-15, 25-17, 22-25, 25-22 win ng High Speed Hitters kontra Chameleons noong nakaraang linggo na may 19 points at 9 receptions.

Subalit sa vastly-improved Highrisers na sasalang sa 6:30 p.m. match, asahah ang umaatikabong bakbakan.

Tulad ng inaasahan ay pinangunahan ni rookie setter Julia Coronel ang Galeries Tower kontra Akari at Choco Mucho bagama’t natalo ang koponan.

Masusubukan si Angge Alcantara, ang bagong playmaker ng High Speed Hitters, laban kay Coronel, na epektibong nagamit sina Highrisers top spikers Jewel Encarnacion, Ysa Jimenez, France Ronquillo at middle blocker Andrea.
“Trabaho pa. Tsaka ‘yung mga need na i-work out sa skills and sa decision making,” sabi ni Alcantara, na pinupunan ang malaking butas na iniwan nina PLDT veteran setters Kim Fajardo at Rhea Dimaculangan.

Ang panalo kontra Highrisers ay magbibigay-daan sa pagsalo ng High Speed Hitters sa Chargers sa ibabaw ng standings sa 2-0.

“Obviously we all kinda have a chip on our shoulders to come back,” sabi ni Davison, habang sinisikap ng PLDT na kalimutan ang heartbreaks ng Reinforced Conference.

“Regardless of what happened last conference I think we are just you know, working hard into that podium spot.

That’s our main goal, moving forward,” dagdag pa niya.

Sa 4 p.m. encounter, maghaharap ang Thunderbelles at Chameleons sa duelo ng mga koponan na pakay na makabawi mula sa season-opening defeats.

Ang ZUS Coffee ay pinangungunahan ni top rookie draftee Thea Gagate, na nag-debut na may 13 points sa 14-25, 21-25, 25-19, 23-25 loss sa Akari.

Umaasa naman ang Nxled na maibigay sa kanilang bagong Italian coach Guidetti Ettore ang kanyang unang panalo sa PVL.

Sa pamumuno ni Chiara Perementilla, ang Chameleons ay lumaban nang husto kontra High Speed Hitters, nagwagi sa third set bago kinapos sa fourth.