Mga laro bukas:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – Choco Mucho vs Galeries Tower
6:30 p.m. – Akari vs ZUS Coffee
NAGING matagumpay ang pagbabalik ni Savi Davison habang si rookie Ange Alcantara ay may solid debut bilang main setter ng PLDT na nalusutan ang late surge ng Nxled upang maitakas ang 25-15, 25-17, 22-25, 25-22 panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Umiskor si Davison, hindi naglaro sa nakaraang conference, ng 19 points, kabilang ang match-winner, at 9 receptions para sa High Speed Hitters.
“I’m just excited to contribute the way I’m used to. I’m super grateful with how this whole process is kinda turned out and me being able to play,” sabi ni Davison.
Pinatunayan ni Alcantara, ang first round pick ng PLDT sa inaugural rookie draft noong nakaraang Hunyo, ang kanyang halaga upang punan ang butas na iniwan nina top playmakers Kim Fajardo at Rhea Dimaculangan, gumawa ng 13 excellent sets at umiskor ng 3 points.
“Nagpapasalamat po ako sa tiwala ni coach sa akin. In-embrace ko lang po ‘yung role ko and focus lang talaga,” ayon kay Alcantara.
Ang High Speed Hitters ay nakakuha rin ng suporta kina Erika Santos, kumana ng 15 points, kabilang ang 3 blocks, at Majoy Baron, na nakalikom ng match-best 7 blocks para sa 14-point effort.
Nagposte si Fiola Ceballos ng 13 points, kabilang ang 4 service aces, at 13 digs habang si Dell Palomata, nagbalik mula sa Alas Pilipinas commitments, ang isa pang PLDT player sa double digits na may 10 points.
“Siguro good start pa rin sa amin considering na kababalik lang din ni Savi tapos bagong salang si Ange. So happy naman sa performance. Iyon lang, sayang na hindi namin na-diretso pero iyon ang kailangang i-work on siguro,” ani High Speed Hitters coach Ralf Ricafort.