PVL: PLDT TAOB SA KINGWHALE

Standings W L
*Creamline 3 0
KingWhale 2 0
PLDT 2 2
Cignal 1 2
Army 0 4
*finalist

Laro sa Biyernes:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – Creamline vs KingWhale

DINISPATSA ng KingWhale ng Chinese-Taipei ang PLDT, 23-25, 25-20, 25-23, 20-25, 15-13, upang manatiling walang talo sa Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals kagabi sa Mall of Asia Arena.

Humabol ang mga bisita mula sa 8-12 deficit sa fifth set upang iangat ang kanilang semis record sa 2-0, lumapit sa pagkopo ng isang puwesto sa one-match championship.

Ang panalo ng KingWhale ay nagbigay sa walang larong Creamline, na may 3-0 record, ng libreng tiket sa Finals.

Tinapos ng High Speed Hitters ang kanilang semis campaign na may 2-2 record, kung saan ang kanilang tsansa na makopo ang nalalabing Finals berth ay wala na sa kanilang mga kamay.

Maaaring kunin ng Taipei-based squad ang championship slot sa panalo kontra Cool Smashers sa Biyernes sa Filoil EcoOil Centre.

Naisalba ni Jovie Prado ang match point para sa PLDT, subalit na-misfire ni Mika Reyes ang kanyang serve sa sumunod na rally, na nagbigay-daan para maitakas ng KingWhale ang panalo.

Nanguna si Brazlian opposite spiker Beatriz Flavio de Carvalho para sa KingWhale na may 19 points, kabilang ang 3 blocks at 19 digs, nagdagdag si Chen Li-Jun ng 13 points at 14 receptions, habang nagsagawa si setter Liao Yi-Jen ng 36 excellent sets.

Nanguna si Dell Palomata sa scoring para sa PLDT na may 19 points, kumana si Reyes ng 17 kills at nag-ambag si Jules Samonte ng16 points.

Kinuha ng High Speed Hitters ang opening set makaraang umiskor si substitute Prado ng kill at binasag ni Reyes ang 23-23 pagtatabla.

Subalit nakatabla ang Taiwanese club sa second set makaraang gumawa lamang ng apat na errors.