PVL REINFORCED CONFERENCE PAPALO NA SA HULYO 16

MAY bagong format at tatampukan ng mga talentadong reinforcements, ang Premier Volleyball League (PVL) ay naghahanda na para sa isa na namang kapana-panabik na Reinforced Conference simula sa Hulyo 16 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kaugnay sa misyon nito na makapaghatid ng top-notch matches at matinding excitement para sa fans, hinati ng premier volleyball league ng bansa ang 12 teams nito sa dalawang grupo base sa kanilang  rankings sa nakalipas na All-Filipino Conference.

Ang champion Creamline, Chery Tiggo, Farm Fresh, Galeries Tower, Nxled at PLDT ang bumubuo sa Pool A, habang pangungunahan ng  defending Reinforced Conference titlist Petro Gazz ang Pool B, kasama ang Akari, Capital1, Cignal, Choco Mucho at  ZUS Coffee.

Ang group phase ay tatampukan ng dalawang stages, simula sa  single round-robin format. Sa second round, haharapin ng top three teams mula sa Pool A ang bottom three mula sa Pool B sa Pool C, habang ang top three squads mula sa Pool B ay sasagupa sa lower-ranked teams ng Pool A sa Pool D.

Matapos ang preliminaries, ang mga koponan ay ira-rank gamit ang FIVB Classification System. Ang top eight squads ay aakyat sa knockout quarterfinals. Ang mga magwawagi ay aabante sa semifinals, na dedesisyunan din sa do-or-die match. Ang top two teams mula sa semis ang maghaharap sa winner-take-all gold medal match, habang ang mga matatalo ay maglalaban para sa bronze.

Ang PVL Reinforced Conference ay tatampukan ng tatlong laro sa lahat ng preliminary game days upang bigyang-daan ang Invitational Conference na nakatakda sa Setyembre.

Sa opening day ay magsasalpukan ang  Highrisers, sa pangunguna ni  Brazilian reinforcement Monique Helena, at Nxled squad, na wala pang inaanunsiyong import, sa alas-2 ng hapon sa Philsports Arena.

Sa alas-4 ng hapon, haharapin ni American spiker Katherine Bell at ng Crossovers ang Foxies. Ang main event sa alas-6 ng gabi ay tatampukan ng Cool Smashers, sa pangunguna ni Erika Staunton ng USA, laban sa nagbabalik na si Russian hitter Lena Samoilenko at sa PLDT High Speed Hitters.

Ang iba pang reinforcements na magpapakitang-gilas ay kinabibilangan nina Oly Okaro (Akari), Marina Tushova (Capital1), MJ Perez (Cignal), Zoi Faki (Choco Mucho), at Asaka Tamaru (ZUS Coffee). Ang Petro Gazz at Farm Fresh ay wala pang inaanunsiyong imports hanggang press time.