PVL ROOKIE DRAFT SA HUNYO

PVL 2024 rookie draft

Kasama ng PVL team captains ang league officials at Cignal ­executives sa launch kahapon. PVL PHOTO

IDARAOS ng Premiere Volleyball League (PVL) ang kauna-unahang Rookie Draft nito matapos ang  season-opening All-Filipino Conference.

Sinabi ni competition director Sherwin Malanzo na pinapayagan pa rin ang mga koponan na magkaroon ng direct hires para sa bagong torneo na magbubukas sa Martes, Pebrero 20, sa Philsports Arena.

“We proposed to the teams that we will come up with a drafting this June. So come June, all new players will apply for the draft and that’s the transition to amateur, collegiate volleyball to pro. They have to pass through the draft,” sabi ni Malonzo sa presser kahapon.

Inaayos pa ang format bagama’t sinabi ni Malonzo na ang basic eligibility sa ngayon ay ang isang  player ay dapat na may edad na hindi bababa sa 21 sa araw ng Draft, anuman ang kanyang education status.

Bukod sa Rookie Draft, ang liga ay magpapatupad din ng  “green card”, na igagawad sa players na nagpakita ng sportsmanship sa laro.

Ibabalik din ng PVL ang  8th at 16th point technical timeouts at dalawang timeouts per set, subalit ang mga player ay hindi na maaaring makipag-usap sa kanilang mga coach sa challenges.

Matapos ang All-Filipino Conference ay idaraos ng PVL ang Reinforced Invitational, na tatampukan ng foreign guest players. Dalawang foreign teams ang magpapainit sa kumpetisyon na magbubukas sa Hulyo,

Matapos ang two-month break, ang pinakaaabangang 2024-25 All-Filipino Conference ay gaganapin mula Oct. 2024 hanggang May 2025 upang tapusin ang extended PVL season.

Inilabas ng liga kahapon ang All-Filipino Conference schedules, kung saan makakaharap ng PetroGazz ang debuting Strong Group Athletics sa Martes, alas-4 ng hapon, na susundan ng salpukan sa pagitan ng Chery Tiggo at newcomer Capital1.

Makakasagupa ng last conference’s runner-up Choco Mucho ang Nxled sa alas-5 ng hapon sa Feb. 22 sa Filoil EcoOil Centre, matapos ang laro ng Galeries Tower at PLDT sa alas-3 ng hapon.

Sisimulan ng defending champion Creamline ang kanilang title-retention campaign sa Feb. 24 kontraFarm Fresh sa Smart Araneta Coliseum.

Ayon kay Malonzo, ang preliminary round ay isang single-round robin, gayundin ang semifinals kung saan ang top two teams ay uusad sa best-of-three finals. Magkakaroon ng playoff para sa ikalawang championship berth sakaling magkaroon ng pagtatabla sa No. 2 spot.

“The 12-team field for this season is as strong as ever, and we’re thrilled to witness the extraordinary talent and competition that each team brings to the court,” wika ni PVL President Ricky Palou.