PVL: RUSSIAN SPIKER HAHATAW PARA SA CAPITAL1

INANUNSIYO ng Capital1 ang pagkuha kay Marina Tushova, isang mahusay na Russian outside hitter, para sa darating na 2024 PVL Reinforced Conference.

Ginawa ni Mandy Romero, may-ari ng Capital1, ang anunsiyo sa PVL Draft Lottery sa studio ng Cignal sa Mandaluyong City.

Dadalhin ni Tushova, 25, at may taas na 185 centimeters, ang kanyang mayamang international experience sa koponan.

Sinimulan niya ang kanyang professional career sa Russia, kung saan ipinamalas niya ang kanyang kakayahan sa iba’t ibang koponan at nagwagi ng gold sa Russian national team sa 2016 Europe Under-19 Championship.

Naglaro rin si Tushova para sa European teams tulad ng Groupe E Valtra sa Switzerland at Istres Provence Volley at Vandœuvre Nancy Volley-Ball sa Italy.

Sa kanyang pagbabalik sa Russia ay naglaro siya para sa Sparta Nizhny Novgorod.

Pinalakas pa ni Romero ang lineup ng Capital1 sa pag-anunsiyo sa pagkuha kay Iris Tolenada, na nagpalalim sa roster ng koponan bago ang inaasahang kapana-panabik na conference.

Sa pagpasok nina Tushova at Tolenada, ang Capital1 ay nakahandang makipagsabayan sa mga koponan sa  PVL.