INANUNSIYO ng Petro Gazz noong Miyerkoles ng gabi ang pagbabalik sa koponan ng import na tumulong sa kanila na makopo ang kanilang kauna-unahang Premier Volleyball League title.
Muling ipaparada ng Angels si Wilma Salas, ang standout wing spiker, sa Reinforced Conference na magsisimula sa July 16.
Si Salas ay naging instrumento sa 2019 Reinforced Conference triumph ng Petro Gazz, kung saan kasama niyang naglaro si late Janisa Johnson.
Ang kanyang stellar performance sa naturang season ay nagbigay sa kanya ng prestihiyosong ‘Best Import’ award.
Matapos ang kanyang stint sa Petro Gazz, si Salas ay naglaro sa Europe, para sa Polish club KPS Chemik Police at Greek squad Olympiacos S.F. Piraeus.
Ngayon sa edad na 33, magbabalik siya sa Philippine volleyball scene kumpiyansa na maibabalik niya ang dating magic na nagdala sa Angels sa panalo, apat na taon na ang nakalilipas.