PVL: SEMIS TARGET NG COOL SMASHERS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs Creamline
6:30 p.m. – F2 Logistics vs Choco Mucho

INAASAHANG makatutulong ang week-long break sa Creamline sa pagsagupa nito sa PLDT, kasalukuyang pinakamainit na koponan sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Makaraang matalo sa kanilang season opener, ang High Speed Hitters, sa ilalim ni bagong coach Rald Ricafort, ay nanalo ng apat na sunod para lumakas ang kanilang kampanya para sa isang puwesto sa semifinals.

“Sobrang ganda ng nilalaro nila,” sabi ni Cool Smashers mentor Sherwin Meneses.

Target ang unang semis berth, hindi magiging madali ang lahat para sa Creamline sa 4 p.m. duel sa PLDT sa Philsports Arena.

Ang Cool Smashers ay nasa ibabaw ng standings sa 5-1, kasunod ang High Speed Hitters na may 4-1 record.

Sisikapin din ng F2 Logistics, may 4-2 kartada kasama ang walang larong PetroGazz sa third place, na mapalakas ang kanilang semis bid kontra Choco Mucho sa isa pang laro sa alas-6:30 ng gabi.

Tanggap ni Ricafort, ginabayan ang Angels sa Reinforced Conference title noong nakaraang taon bago lumipat sa High Speed Hitters, ang pagiging ‘underdog’ kontra Cool Smashers.

“’Yung mindset, definitely ‘yung challenge iee-embrace namin na gusto namin ang ganoong laro. Ganoon din ‘yung feeling namin before facing Chery Tiggo and PetroGazz na alam naming definitely kami ang dehado,” ani coach Rald Ricafort.

Pagdating sa pagkakaisa, tila gamay na ito ng PLDT kung saan nakakita na si Ricafort ng tamang kumbinasyon.

“’Yun na, malapit na,” ani Ricafort. “Suwerte ako kasi ‘yung players na involved, talagang nag-buy in sa sistema. So madali ‘yung transition. ‘Yung small details, ipa-polish pa.”