Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
9 a.m. – Gerflor vs Foton (Classification)
11:30 a.m. – PetroGazz vs Akari (Classification)
4 p.m. – Cignal vs PLDT (Semifinals)
6:30 p.m. – F2 Logistics vs Creamline (Semifinals)
MAGSASAGUPA ang defending champion Creamline at F2 Logistics sa pinakaaabangang showdown ng dalawang koponan na hitik sa talento, habang maghaharap ang Cignal at PLDT sa pagsisimula ng Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals ngayong Huwebes sa Philsports Arena sa Pasig.
Magsasalpukan ang Cool Smashers at Cargo Movers sa alas-6:30 ng gabi sa match-up sa pagitan ng dalawang decorated clubs.
Ang HD Spikers at High Speed Hitters, na kinailangang malusutan ang kanilang final preliminary round matches noong Martes para umabante sa semifinals, ay magkukrus ang landas sa alas-4 ng hapon.
Ang six-team semis cast ay kinumpleto ng Kurashiki Ablaze ng Japan at Kinh Bac Bac Ninh ng Vietnam, na sasalang sa kanilang debut sa Linggo.
Ang Creamline ay nanguna sa Pool A makaraang makumpleto ang four-match sweep sa preliminaries. Ang tropa ni coach Sherwin Meneses ay isang beses lamang natalo sa set, kontra Akari noong nakasiguro na ng puwesto sa semifinals ang koponan.
Ang F2 Logistics ay no. 2 sa Pool B na may 4-1 record, kung saan ang nag-iisang talo nito ay kontra PetroGazz sa limang sets.
Asahang sasandal sina Meneses at counterpart Regine Diego sa kanilang main players sa layuning makuha ang kinakailangang momentum at kumpiyansa sa maikling semifinals.
“Kailangan naming paghandaan kung anuman ang haharapin namin sa semis, lalo na ‘yung foreign squads,” sabi ni Meneses.
Pangungunahan ni Tots Carlos, ang top conference MVP favorites, ang Cool Smashers kasama sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Ced Domingo, Jeanette Panaga at Jia de Guzman.
Pamumunuan naman ni Kim Kianna Dy, ang fourth-leading scorer sa prelims, ang Cargo Movers crew kasama sina Majoy Baron, Ivy Lacsina, Aby Maraño, rookies Jolina dela Cruz at Mars Alba.
May malaking bentahe ang F2 Logistics sa libero department dahil naibalik na ni Dawn Macandili-Catinding ang kanyang dating porma, habang si Kyla Atienza ng Creamline ay wala sa top 10 sa digging at receiving.
Bagama’t nawala si Jovie Prado dahil sa season-ending ACL injury, pinataob ng PLDT ang Chery Tiggo, 25-21, 16-25, 25-23, 25-27, 15-12, noong Martes para kunin ang huling semis slot.
Si Prado ang magiging rallying point ng High Speed Hitters, ang No. 2 team sa Pool A, kung saan nangako sina leaders Mean Mendrez at Dell Palomata na gagawin ang lahat sa kabila ng matinding hamon.
“Basta normal game, kailangan level lang palagi, ‘yung motivation namin na extra ‘yung kay Jov pa rin kasi gusto namin talaga ibigay sa kanya,” sabi ni PLDT coach Rald Ricafort.
Samantala, nagpapasalamat si coach Shaq delos Santos sa muling pagsasama nina battle-tested Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis at nakabalik ang Cignal sa semifinals matapos ang nakadidismayang performance sa naunang conference.
“Marami pa kaming plano. Before pa naman magkakasama na kami, another opportunity and blessing na magkakasama ulit,” ayon kay Delos Santos.
Siyempre ay nasa HD Spikers si Ces Molina, na tumapos sa third sa scoring sa preliminaries sa likod nina Sisi Rondina at Gretchen Soltones.
Ang Cignal ay papasok sa semis na puno ng kumpiyansa makaraang gulantangin ang Choco Mucho sa straight sets noong Martes.