PVL: SEMIS ‘WAR’ SISIKLAB NA(Creamline vs F2; PLDT vs PetroGazz)

Standings W L
*Creamline 7 1
*PetroGazz 6 2
*PLDT 6 2
*F2 Logistics 6 2
Chery Tiggo 4 4
Cignal 3 5
Choco Mucho 2 6
Akari 2 6
Army-Black Mamba 0 8
*semifinalist

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs Creamline
6:30 p.m. – PetroGazz vs PLDT

MAGSASALPUKAN ang elimination round topnotcher Creamline at ang No. 4 F2 Logistics habang maghaharap ang second-ranked PetroGazz at No. 3 PLDT sa pares ng semifinal matches sa Premier Volleyball League All Filipino Conference ngayon sa Philsports Arena.

Sa duelo ng mga sikat na koponan sa bansa, ang nag-iisang talo ng Cool Smashers sa torneo ay nagmula sa Cargo Movers. Ang Creamline, sa katunayan, ay hindi pa nananalo sa F2 Logistics magmula noong nakaraang taon.

Samantala, makakasagupa ni coach Rald Ricafort, na nagawang makaiwas sa kinatatakutang semis meeting sa Cool Smashers, ang Angels na kanyang ginabayan sa Reinforced Conference title noong nakaraang season bago tumalon sa High Speed Hitters.

May ipinagmamalaking talents tulad nina Jia De Guzman, Tots Carlos, Ced Domingo, Michele Gumabao, Jeanette Panaga at Jema Galanza, ang Creamline ay umaasang makakaisa laban sa F2 Logistics na pinangungunahan ng 1-2 punch nina Kim Kianna Dy at Myla Pablo sa series opener sa alas-4 ng hapon.

Maghaharap ang PetroGazz at PLDT sa isa pang Final Four match sa alas-6:30 ng gabi.

Sa unang semifinals na wala si injured star Alyssa Valdez, target ng Cool Smashers na makabalik sa finals makaraang tapusin ng quotient sa Reinforced Conference ang kanilang Grand Slam bid noong nakaraang taon.

“Marami pa kaming dapat i-improve sa semifinals. ‘Yung consistency. Nakapaka-importante ng every point, kailangang naming maging focused sa kada point,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses. “Happy ako kasi walang injury. Healthy kaming maglalaro sa semis.

“Nag-prepare naman kami na wala si Ly before ng start of season,” dagdag pa niya.

Ang tanging woman coach sa pro league, umaasa si Regine Diego na maging “last one standing’ kung saan determinado ang Cargo Movers na makabawi mula sa nakadidismayang PVL debut noong nakaraang taon.

“We are happy to be in the semis,” ani Diego.

Maliban sa paglipat ni Pablo at sa paggabay ni coach Oliver Almadro, ang Angels ay may malakas na lineup pa rin mula sa Reinforced Conference championship noong nakaraang taon sa pangunguna nina Grethcel Soltones, Aiza-Maizo Pontillas, Remy Palma at MJ Phillips.

Samantala, tagumpay naman si Ricafort sa paghasa kina outside spikers Mean Mendrez at Jovie Prado na naging susi sa malakas na elimination round campaign ng High Speed Hitters, idagdag pa ang pagpasok sa koponan ni Mich Morente na nagpalakas sa depensa ng koponan na wala noong nakaraang taon.

“Alam naman namin ang strategy nila at gusto talaga nila (PetroGazz) na bumawi sa amin. Pero paghahandaan namin sila kahit medyo tight ang sked namin,” wika ni Ricafort. “Kami lang ang team na naglaro bago mag-semis, one day preparation lang, but let’s see what happens.”

“Kailangan naming i-maximize un isang araw na break para maka-recover at makapag-plano kung ano ang gagawin. We need to adapt,” pahayag ni Mika Reyes, na bumubuo sa PLDT middle rotation kasama si Dell Palomata.