ASAHAN ang isa na namang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng sister teams Creamline at Choco Mucho. PVL PHOTO
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Choco Mucho vs Creamline
6 p.m. – PetroGazz vs Chery Tiggo
MAGSASALPUKAN ang Creamline at Choco Mucho sa pagsisimula ng bakbakan sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference semifinals ngayong Martes sa Philsports Arena.
Nadominahan ng Cool Smashers ang Flying Titans, 25-17, 25-22, 25-19, noong nakaraang April 18 upang mapanatiling buhay ang kanilang championship-retention bid.
Subalit sa 4 p.m. contest ay asahan ang mas mainit na Choco Mucho, na tumapos sa No. 2 sa preliminaries, laban sa Creamline, lalo na’t mas malaki ang nakataya sa single-round semis.
Maghaharap naman ang PetroGazz at Chery Tiggo, dalawa sa pinakamainit na koponan sa conference, sa main game sa alas-6 ng gabi.
Ang Angels ay nanalo ng limang sunod makaraang yumuko sa Crossovers, 21-25, 25-18, 25-22, 19-25, 13-15, noong nakaraang March 21.
Samantala, ang Chery Tiggo ay nasa seven-game winning streak matapos matalo sa Farm Fresh noong nakaraang March 16.
Gayunman, sa maikling semifinal phase ay balewala na ang statistics at resulta sa preliminaries.
Naniniwala si Choco Mucho mentor Dante Alinsunurin na ang service ang critical area para sa improvement, kung saan aminado siya sa epekto nito sa kanilang mga nagdaang performance.
“Ilang games na na talagang mababa porsiyento namin (sa service). Dun kami nag-focus sa training,” sabi ni Alinsunurin.
Bagama’t nagtapos sa fourth sa prelims na may 8-3 kartada, ang Cool Smashers ay nananatiling malakas na contender para sa ikatlong sunod na All-Filipino title.
Tinalo ng Creamline ang PLDT via points tiebreak upang sumampa sa Final Four.
Sisikapin ng PetroGazz, sa pangunguna nina Brooke Van Sickle, Jonah Sabete at MJ Phillips, na naglaro sa elimination round finale noong Sabado, na masikwat ang mailap na All-Filipino crown makaraang magwagi ng dalawang Reinforced Conference trophies.
Umaasa naman ang Chery Tiggo, na pinangungunahan ni Eya Laure, na mapunan ang butas na iniwan ni Mylene Paat, na kasalukuyang nasa South Korea upang lumahok sa KOVO draft combine sa pag-asang muling makapaglaro sa ibang bansa.
“Sa semis, automatic mas mataas yung competitiveness. Lahat ng team, lahat gustong pumasok definitely. Pero kailangan kung sinong pinaka-healthy, yan ang malaki ang chance,” sabi ni Crossovers coach Kungfu Reyes.
“Kami mga coaches, ready kami. All we need to do is execute every training, adjustment after adjustment,” dagdag pa niya.