TINANGKANG umiskor ni Jorelle Singh ng Capital1 laban kay Sheeka Espinosa ng Strong Group sa kanilang laro sa PVL All-Filipino Conference kahapon. PVL PHOTO
Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Galeries Tower vs Creamline
6 p.m. – Nxled vs Cignal
DINISPATSA ng Capital1 ang Strong Group Athletics sa apat na sets, 25-18, 25-20, 19-25, 25-20, sa duelo ng dalawang koponan na nangangapa pa sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena.
Sumandal si Roger Gorayeb kay Jorelle Singh upang masungkit ng Solar Spikers ang kanilang unang panalo sa tatlong laro.
“Masaya kasi alam ninyo naman itong team na ito, less than two months pa lang kami. Every day, every practice and every game is a learning process for us,” sabi ni Gorayeb.
“Siyempre ‘yung mga ganitong panalo makakapag-boost ng morale namin sa mga susunod naming laro. Kasi mahirap ang pinagdadaanan namin. Sabi nga nila, ‘Rome was not built overnight’, di ba? So kaunting tiyaga lang,” dagdag pa niya.
“They still have to learn everyday. Sa ganitong mga panalo, masarap-sarap matulog. Masarap ang ensayo bukas.”
Matapos ang straight-set defeats sa Chery Tiggo at Farm Fresh, hindi na naghintay nang matagal ang Capital1 para makapasok sa win column makaraang malusutan ang third set win ng SGA upang mamayani sa one-hour. 57-minute match.
Nanguna si Singh, na naglaro sa ilalim ni Gorayeb para sa National University sa kolehiyo at PLDT sa club, na may 13 points sa 12-of-31 attacks at isang block.
“Sobrang nakakatuwa po kasi itong game importante sa amin kasi makakapag-boost ng morale namin. Feeling ko sa susunod na game, mas maganda na ang magiging performance namin,” sabi ni Singh.
Nagdagdag si Patty Orendain, na ipinasok sa second at fourth sets, ng 9 points, nagtala sina Ja Lana at Arriane Layug ng tig-8 points, habang naiposte ni Shyra Umand ang apat sa kanyang 5 points mula sa blocks para sa Solar Spikers.
Kumana si MJ Onofre ng 2 blocks para sa 12-point outing habang nag-ambag si Dolly Verzosa ng 11 points, 13 digs at 14 receptions para sa SGA, na nahulog sa 0-3.