PVL: SOLO LEAD ASAM NG CREAMLINE

Creamline

Standings W L
PetroGazz 2 0
Creamline 2 0
PLDT 2 1
Chery Tiggo 2 1
Akari 2 1
F2 Logistics 1 1
Choco Mucho 1 1
Nxled 1 1
Cignal 1 1
Galeries Tower 0 2
Gerflor 0 2
Farm Fresh 0 3

Mga laro ngayon:
(Ynares Center)
2 p.m. – Gerflor vs Creamline
4 p.m. – Akari vs Farm Fresh
6 p.m. – Cignal vs Choco Mucho

INAASAHANG magaan na magwawagi ang Creamline laban sa Gerflor, habang target ng Akari ang kanilang unang winning streak sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kontra Farm Fresh ngayon sa Ynares Center sa Antipolo.

Pinapaborang makukuha ang solo lead sa 2 p.m. curtain raiser, walang plano ang Cool Smashers na magkampante laban sa Defenders sa kanilang pagtatangka para sa ikatlong sunod na panalo.

“You can’t count Gerflor out. They also train hard so we will just have to stay focused,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.

Tinalo na ang dalawa sa tatlong pre-conference favorites, sisikapin ng Chargers na mapanatili ang kanilang club-best start.

Haharapin ng Akari, puntirya ang kanilang kauna-unahang semifinals appearance magmula nang lumahok sa liga noong nakaraang taon, ang Farm Fresh sa alas-4 ng hapon.

“The system or whatever you want to implement depends on the performance of the guys. The wins will come as a result if you play hard and study,” ani Chargers’ Brazilian coach Jorge Souza de Brito.

Nakaipit sa four-way tie kasama ang F2 Logistics at Nxled sa 1-1, ang Cignal at Choco Mucho ay magsasalpukan sa tampok na laro sa alas-6 ng gabi.

Bagama’t wala na sa lineup sina Jia de Guzman at Ced Domingo, ang Cool Smashers ay impresibo sa kasalukuyan makaraang magkasunod na pataubin ang Flying Titans at HD Spikers.

“Sa team naman namin, sistema, hindi naman individual,” sabi ni Meneses. Mapapalaban sa pinakamatagumpay na PVL club, umaasa ang Defenders na makamit ang breakthrough. Ang Gerflor ay may forgettable outing laban sa PetroGazz sa Batangas City noong nakaraang Sabado, kung saan umiskor sila ng apat na puntos lamang sa second set.

Umaasa ang Cignal na makabawi mula sa 20-25, 20-25, 16-25 pagkatalo sa Creamline noong nakaraang Sabado, habang magaan na dinispatsa ng Choco Mucho ang Farm Fresh, 25-18, 25-13, 25-17.