PVL: SOLO LEAD TARGET NG AKARI

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – Choco Mucho vs Galeries Tower
6:30 p.m. – Akari vs ZUS Coffee

SISIKAPIN ng Akari na mapatatag ang kanilang puwesto sa ibabaw ng standings sa pagharap sa ZUS Coffee sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayong Huwebes sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan.

Matapos ang tough four-set victory laban sa Galeries Tower Highrisers, ang Chargers ay determinadong mapanatili ang momentum at kunin ang ikalawang sunod na panalo para sa solong liderato sa kaagahan ng record-setting six-month conference na inorganisa ng Sports Vision.

Runner-up sa nakaraang Reinforced Conference, ang kampanya ng Akari sa AFC ay nagsimula sa mabigat na laban kung saan bumawi ang Chargers makaraang matalo sa first set, at sa huli ay ginapi ang Highrisers sa solid middle-set performances at strong finish sa fourth set noong nakaraang weekend.

Sa pagkakataong ito, batid ng Chargers na kailangang maging matikas ang kanilang simula sa kanilang 6:30 p.m. encounter kontra Thunderbelles, isang koponan na pinalakas ng isang bagong talento at seasoned campaigner at target na gumawa ng kasaysayan.

Pinalakas ng ZUS Coffee ang kanilang roster para sa bagong simula, dala ang top rookie draftee ng liga kasama si veteran Jovelyn Gonzaga. Sa pangunguna ni standout middle blocker Thea Gagate, na ang kasanayan ay nahasa sa Alas Pilipinas, at sa lineup na kinabibilangan nina Chinnie Arroyo, Michelle Gamit, Kate Santiago, Ypril Tapia, Jade Gentapa, Gayle Pascual, Dolly Verzosa at Chai Troncoso, ang Thunderbelles ay handang makipagsabayan.

Samantala, muling pangungunahan nina Grethcel Soltones, Eli Soyud at Ivy Lacsina ang Akari, habang inaasahang pag-iibayuhin ni Faith Nisperos ang kanyang offensive game matapos ang kanyang impresibong 16-point return mula sa national team duties.

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon, kapwa sisikapin ng Choco Mucho at Galeries Tower na makabawi matapos ang kanilang opening day setbacks.

Sa kabila ng pagbabalik nina Sisi Rondina at Cherry Nunag, ang Flying Titans ay kinapos sa Petro Gazz Angels sa apat na sets.

Gayunman, sa tulong ng mga beterano tulad nina Kat Tolentino, Isa Molde, Royse Tubino, Lorraine Pacana at Dindin Manabat, at sa pagbabalik ni Des Cheng, ang Choco Mucho ay kumpiyansang makababawi.

Sasandal naman ang Galeries Tower kina rookies Julia Coronel at Jewel Encarnacion, na naging impresibo sa kanilang debut, kasama sina seasoned players Ysa Jimenez, France Ronquillo, Roselle Baliton, at Andrea Marzan, sa pagharap sa Choco Mucho para kunin ang kanilang unang panalo.