PVL: SOLO LEAD TARGET NG CHERY TIGGO

Standings W L
Chery Tiggo 2 0
Creamline 2 0
PetroGazz 1 1
Akari 1 1
Cignal 1 1
Choco Mucho 1 1
PLDT 1 1
F2 Logistics 1 2
UAI-Army 0 3

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Chery Tiggo vs Akari
5:30 p.m. – Choco Mucho vs PLDT

PUNTIRYA ng Chery Tiggo ang ikatlong sunod na panalo sa pagsagupa sa baguhang Akari sa Premier Volleyball League Reinforced Conference eliminations ngayon sa Philsports Arena.

Naging matibay ang locals ng Crossovers matapos ang dalawang laro habang hinihintay nila ang breakout outing ni reinforcement Jelena Cvijovic.

Walang planong magkampante si coach Aying Esteban kontra Chargers sa 2:30 p.m. match.

Makaraang simulan ang kanilang kampanya sa four-set loss sa Cignal, pumasok ang Akari sa win column kasunod ng 25-20, 25-22, 25-22 panalo kontra United Auctioneers Inc.-Army noong nakaraang Sabado.

“Maganda ang ginawa nila (Chargers). Siguro iyon pa rin, step by step pa rin. Kung sino ang nasa harapan namin, yun ang paghahandaan namin,” sabi ni Chery Tiggo coach Aying Esteban.

Pinataob ng Crossovers ang HD Spikers, 25-23, 20-25, 25-21, 25-20, noong nakaraang Sabado sa pangunguna nina Mylene Paat, Cza Carandang, EJ Laure at Jasmine Nabor.

“They (Chery Tiggo) started really good. We made some tune-up matches against them, but this is totally different. It will be a tough match for both sides,” wika ni Akari’s Brazilian coach Jorge Edson de Brito.

Sa ikalawang laro sa alas-5:30 ng hapon ay magsasalpukan ang Choco Mucho at PLDT kung saan ang magwawagi ay kakalas sa five-way tie sa third sa 1-1 kasama ang PetroGazz, Cignal at Akari.