NALUSUTAN ng Cignal ang mabagal na simula upang dispatsahin ang Gerflor, 25-22, 25-11, 25-10, at kunin ang nalalabing semifinals berth sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Galing sa 10-day break, ang HD Spikers ay nahirapang makuha ang kanilang rhythm sa first set bago kinuha ang kalamangan.
Ito lamang ang pagkakataon na naging kumpetitibo ang Defenders kung saan nalunod sila sa second at third sets upang tapusin ang kanilang kampanya na walang panalo.
Tinapos ng Cignal ang preliminary round na tabla sa Chery Tiggo sa 8-3, subalit nakuha ng HD Spikers ang No. 3 ranking dahil sa mas mataas na match points sa Crossovers, 25-22.
Ang Chery Tiggo ay nahulog sa No. 4 at makakasagupa ang Creamline, na nakumpleto ang 11-match sweep sa pamamagitan ng 19-25, 25-16, 25-14, 25-13 panalo laban sa Galeries Tower, sa best-of-three semifinals simula bukas sa parehong Pasig venue.
Makakaharap ng Cignal ang No. 2 Choco Mucho, na tinapos ang prelims na may 10-match winning streak, sa isa pang semis pairing.
“Siyempre sobrang happy and blessed kasi siyempre sa lahat ng pinagdaanan namin na hirap and ngayon nasa semis kami and I think nag number three pa kami. Very thankful and kailangan mag-prepare para sa semis,” sabi ni HD Spikers coach Shaq delos Santos.
“Siyempre like ‘yung sinabi ko kanina sobrang happy but kailangan talaga yung pagiging happy namin this time mapalitan namin ng talagang sobrang eagerness pa na trabahuhin lahat kung ano yung kailangan namin,” dagdag pa niya.
Bagama’t nakuha ng Highrisers ang opening set, nag-regroup ang Cool Smashers at dinomina ang sumunod na tatlo para mapanatili ang kanilang perfect record.
“Siyempre ‘yung goal namin is mas mataas pa sa sweep sa eliminations. Sa Thursday, siguro mas tatrabahuin pa namin yung papasok na semis,” sabi ni Creamline coach Sherwin Meneses.
Batid ni Jemma Galanza, nanguna para sa Cool Smashers na may 12 points, na ang tunay na laban ay magsisimula sa Crossovers, na kanilang tinalo sa apat na sets noong nakaraang Nob. 28.
Nag-ambag si Bernadeth Pons ng 10 points at 12 receptions habang umiskor sina Tots Carlos at Jeanette Panaga ng tig-8!points para sa Cool Smashers.
Kuminang ang mga reserve ng Creamline kung saan nagtala si Rose Vargas ng 2 service aces para sa eight-point outing at nakakolekta ng 6 digs habang nagdagdag si Lorie Bernardo ng 7 points.