PVL: TEAMWORK SUSI SA TAGUMPAY NG CREAMLINE

Standings W L
Creamline 4 0
PetroGazz 5 1
Cignal 4 1
Chery Tiggo 4 2
PLDT 3 2
Akari 3 3
Choco Mucho 3 3
ZUS Coffee 2 3
Farm Fresh 2 3
Capital1 1 4
Galeries Tower 1 5
Nxled 0 5

Mga laro sa Jan. 18
(Philsports Arena)
1:30 p.m. – Farm Fresh vs Nxled
4 p.m. – ZUS Coffee vs Choco Mucho
6:30 p.m. – Akari vs PLDT

ANG pagwalis ng Creamline sa Premier Volleyball League noong 2024 ay nagsilbing malakas na redemption story para sa sikat na koponan.

Ang Grand Slam noong nakaraang taon ay partikular na naging espesyal dahil sa pundasyon nito — ang tagumpay sa 2023 All-Filipino Conference, na nagresulta sa ika-4 na sunod na korona ng Cool Smashers.

Makaraang makopo ang season-opening All-Filipino crown sa pamamagitan ng sweep sa Choco Mucho sa Finals rematch, muling nasubukan ang katatagan ng Creamline sa Reinforced Conference, kung saan kinailangan nitong malusutan ang maraming setbacks, kabilang ang pagkawala ng ilang key players dahil sa injuries at national team commitments, gayundin ang mabigat na field na pinalakas ng international imports.

Subalit sa kabila nito, nangibabaw ang championship pedigree ng Cool Smashers, pinatatag ang kanilang reputasyon bilang pinakamatibay at determinadong koponan sa liga.

“Hindi madali kunin itong Grand Slam pero nakuha namin,” sabi ni coach Sherwin Meneses makaraang maungusan ng Creamline ang Cignal, 21-25, 25-17, 20-25, 26-24, 15-13, para sa record-extending 10th championship sa isang epic Invitational Conference Final.

Ito ang ika-7 PVL title overall ni Meneses, ang pinakamatagumpay na coach sa liga. Ang unang tatlong korona ng Cool Smashers ay nakuha sa ilalim ni Thai mentor Tai Bundit.

Isa itong unprecedented achievement para sa Creamline – nakopo ang lahat ng tatlong PVL titles sa isang season na wala pang koponan na nakagawa magmula nang mabuo ang liga noong 2017.

Sinabi ni Meneses na ang tagumpay ng koponan ay dahil sa sama-samang pagsisikap, binigyang-diin ang kahalagahan ng teamwork laban sa individual accolades.

Ang makasaysayang tagumpay ng Creamline ay nagtakda ng bagong benchmark sa PVL, na mahihirapang malagpasan ng future teams. At ang journey ng Cool Smashers sa buong 2024 season ay patunay sa kanilang mental fortitude, strategic brilliance at unparalleled teamwork.

Ipagpapatuloy ng Creamline, ang tanging undefeated team sa conference na may 4-0 record, ang kanilang kampanya sa January 21 kontra Capital1 sa Philsports Arena.