BAGAMA’T hindi nakuha sa katatapos na 2024 Korean Volleyball (KOVO) Women’s Asian Quota Draft ay masaya pa rin si Creamline superstar Tots Carlos para sa oportunidad na makita ang Korean volleyball.
Maghihintay pa ang international volleyball job para kay Carlos makaraang hindi siya mapili, gayundin sina Petro Gazz’s MJ Phillips at Chery Tiggo’s Mylene Paat sa KOVO draft na idinaos noong Miyerkoles sa South Korea.
“It was a fun experience lalo na’t nakita ko kung paano ‘yung program nila sa volleyball sa ibang bansa. Nakita ko rin ‘yung mga iba-ibang players na kasama ko and may mga natutunan din naman ako,” sabi ng dating Universiy of the Philippines UP standout matapos ang 27-25, 23-25, 27-25, 26-24 panalo ng Creamline laban sa PetroGazz noong Huwebes sa 2024 PVL All-Filipino Conference semifinals sa PhilSports Arena.
“Parang core memory ko lang talaga is really how organized the Koreans in their volleyball league are and how they really take care of their foreign players,” sabi pa ni Carlos.
Sinabi ni Carlos na nilaro lamang niya ang kanyang volleyball sa tryouts at nagpasalamat sa management at coaches ng kanyang koponan, gayundin sa kanyang teammates.
“I just played my volleyball and wala rin naman akong ibang ine-expect. Tall players, they’re very tall. Ako, honestly, satisfied ako sa naging performance ko so masaya ako na na-experience ko ‘yung ganung opportunity. Talagang nagpapasalamat ako sa mga boss namin at saka kina Coach [Sherwin Meneses], sa teammates ko na talagang pinayagan ako,” aniya.
Haharapin ng Creamline (1-1) ang Chery Tiggo (0-2) sa PVL semis ngayong Linggo sa Araneta Coliseum sa Quezon City.