PVL: VELEZ BALIK-HEAD COACH NG CHERY TIGGO

PVL

IBABALIK ng Chery Tiggo si coach Aaron Velez sa pagtatangka nitong mabawi ang trono sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Ginabayan ni Velez ang Crossovers sa 2021 Open Conference crown sa Bacarra, Ilocos Norte bubble upang maging kauna-unahang professional volleyball champion sa bansa.

Papalitan ng experienced coach si Aying Esteban, na hinawakan ang Chery Tiggo sa Invitational at Reinforced Conference kung saan nabigo ang koponan na makaabot sa podium noong nakaraang taon. Nanatili si Velez bilang team manager.

Umaasa ang Crossovers na makausad na wala si Dindin Santiago-Manabat sa season-opening tournament na magsisimula sa ­February 4.

Matapos ang anim na taon sa franchise, si Santiago-Manabat ay lumipat sa Akari.

Una na ring kinuha ng Chery Tiggo sina Ponggay Gaston, Seth Rodriguez at Bingle Landicho, at pinanatili sina Shaya Adorador at Buding Duremdes, ang holdovers ng 2021 Open Conference champion team, gayundin sina Cza Carandang at Roselle Baliton.