PWD SA BICOL HINANGAAN SA PAGPIPINTA

ALBAY-HINANGAAN ang 20-anyos na si Mark Rainer Salcedo, person with disability (PWD) mula sa Brgy. Balinad sa bayan ng Polangui sa Albay sa kanyang talento sa contemporary arts.

Tampok ang kanyang pinakabagong likha o master piece na tinawag niyang “Flashback” na kaniyang ginawa sa loob ng halos isang buwan.

Ayon sa kanya, ang likhang sining na ito ay isang salaysay na may kaugnayan sa kanyang pagkabata.

Inilahad nito na ang konsepto ng kanyang trabaho ay nagmula sa kanyang mga alaala sa pagkabata.
Ang laman ng kaniyang obra maestra ay imahe ng isang ina at mga anak na naglalarawan sa sarili niyang pamilya.

Ibinahagi rin nito na nagsimula siyang magpinta sa gitna ng pandemya subalit sa murang edad ay mahilig na siya sa pagguhit sa iba’t ibang medium.

Nabatid pa sa kaniya na mahirap gumawa ng mga detalye at mag-isip ng mga konsepto para sa sining lalo pa’t mayroon siyang inborn cataract condition sa isang mata ngunit nagpapatuloy si Salcedo bilang full-time artist.

“My dedication to my artworks allow me to express through my art what I want to convey, such as appreciation and love” paliwanag nito.

Sa kabila ng mga hamon sa buhay, ipinagpapatuloy ni Salcedo ang kanyang talento at dedikasyon sa sining na nagsisilbing inspirasyon sa marami.
RUBEN FUENTES