TINAPOS na ng isang 56-anyos na lalaki ang kanyang buhay nang makaraang sunugin nito ang kanyang sarili kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Halos hindi na makilala ang sunog na katawan ng biktimang si Joselito “Amang” Tungco, nanunuluyan sa Batasmajoda Terminal sa No.14 Marcel Drive, Barangay Sangandaan, QC.
Batay sa report na tinanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Redrico Maranan mula kay SSg Nido B Gevero, Jr., nangyari ang insidente dakong alas- 4:30 ng madaling araw sa loob ng comfort room ng nasabing terminal.
Nabatid na may 20 taon nang nanunuluyan sa nasabing lugar si Tungco na isang binata at person with disability (PWD).
Bago ang insidente, lumilitaw na bumili pa ng gasolina ang biktima sa Petron Gasoline Station.
Sinabi naman ng isang saksi at caretaker sa lugar na si Marcos Valera na nagising siya nang mawalan ng kuryente. Agad niyang tinignan ang electric circuit breaker hanggang sa pamansin na nasusunog ang biktima.
Humingi ng tulong si Valera sa mga residente na naapula naman ang apoy ngunit sunog na ang biktima.
Kasalukuyan nang nasa pangangalaga ng Bossing Funeral Parlor ang labi ng biktima.
EVELYN GARCIA